Mass graduation ng mga magsasakang nagtapos sa SOA matagumpay na naisagawa

Matagumpay na naisagawa nitong araw ng Biyernes, Oktubre 7, 2022 ang Mass Graduation Ceremonies ng 500 na mga magsasakang nagtapos sa School On-the-Air (SOA) Program ng Department of Agriculture- Agricultural Training Institute XII (DA-ATI XII) katuwang ang pamahalaang panlalawigan ng Cotabato.

Ang nasabing mga magsasaka ay tinuruan ng organic vegetable production kung saan natuto sila via online platform at pakikinig sa iba’t ibang himpilan ng radyo.

Kabilang sa mga natalakay hinggil sa SOA on organic vegetable production ang sumusunod: mga paraan ng paggawa ng organikong pataba, paghahanda ng composting area, mga paraan ng pagtatayo ng nursery at iba pang topiko tungkol sa pagsasakang organiko.

Sa kanyang mensahe, nagpaabot ng kagalakan sa mga nagtapos si 3rd District Representative Ma. Alana Samantha Taliño-Santos at pinuri niya ang pagiging aktibo ng mga magsasakang Cotabateño na makiisa sa mga programang pang-agrikultura ng DA.

Hinikayat din niya ang mga ito na ibahagi ang mga natutunan sa 16 na episodes ng SOA sa kanilang mga lokalidad upang matulungan din ang iba pang mga magsasaka na madagdagan ang kanilang kaalaman.

Mainit na pagbati naman ang ipinaabot ni Provincial Administrator Aurora P. Garcia, kinatawan ni Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza kung saan pinasalamatan din nito ang DA-ATI XII sa inisyatibo nitong matulungan ang mga magsasaka ng probinsya na isa rin sa prayoridad ng kasalukuyang administrasyon.

Ang nasabing aktibidad ay isinagawa sa Provincial Gymnasium, Amas, Kidapawan City na dinaluhan nina ATI-RTC XII Assistant Center Director Jessie V. Beldia, Provincial Agriculturist Sustines U. Balanag, Provincial Organic Agriculture Focal Person Dina A. Lumogdang, mga city/municipal organic focal persons at mga kawani ng DA-ATI XII at Office of the Provincial Agriculturist.//idcd//