Iba’t-ibang lokal na produkto tampok sa pagdiriwang ng 107th Kalivungan Festival

Amas,Kidapawan City- Upang suportahan ang mga maliliit na negosyante at kooperatiba tampok ngayong araw, Agosto 31, 2021 ang iba’t-ibang lokal na produkto na gawa sa lalawigan sa pormal na pagbubukas ng Cotabato’s Local Product Showcase bilang bahagi ng 107th Founding Anniversary ng Cotabato Province.

Abot sa labing isang (11) Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) mula sa iba’t-ibang bayan ng probinsya ang lumahok sa nasabing aktibidad na pinangunahan ng Cotabato Provincial Investment and Promotion Center (CPIPC), Provincial Cooperative and Development Office (PCDO), at Office of the Provincial Agriculturist.

Sa kanyang mensahe, binigyang diin ni Governor Nancy A. Catamco ang mahalagang papel na ginagampanan ng mga MSMEs sa pagpapalago ng ekonomiya sa lalawigan lalo na ngayong panahon ng pandemiya.

“Pinaagi kaninyo isip negosyante ug entrepreneur, ang ekonomiya sa probinsya sa Cotabato nagpabilin nga lig-on ug produktibo. Ginatan-aw nato ang daku ninyong kontribusyon sa komunidad tungod sa inyong pagpaningkamot nga magpabiling buhi ang negosyo ug komersyo sa komunidad luyo sa grabeng kalisod nga atong ginaagi-an,” pahayag ng gobernadora.

Nabanggit din ng ina ng lalawigan na tinututukan ng provincial government ang pagpapaunlad ng mga lokal na produkto ng lalawigan na aniya’y tunay na maipagmamalaking sariling atin hindi lang dito sa rehiyon kundi maging sa buong mundo

bilang paghahanda sa pagbubukas ng Central Mindanao Airport sa bayan ng M’lang.

Kabilang sa mga MSMEs na lumahok sa nasabing aktibidad ay ang sumusunod: Velasco’s Souvenir Haus and Handicrafts; Ma Habiy Arts and Crafts; SJC Food Products; Don Bosco Multi Purpose Cooperative; Kamalig Mushroom Hauz; Provincial Cooperatives Members; Office of Provincial Agriculture Multi Purpose Cooperative; Pasalubong Matalam; Candier; Dr. Alfred”s Essentials, Inc.; at Gabriel Food Production and Processing.

Libreng trainings at makinarya

Iprenisenta din ni Department of Science and Technology (DOST) Provincial Director Michael T. Mayo ang kanilang programang Innovation System Support Funding (ISSF) kung saan ang kanilang ahensya ay handang magbigay ng libreng training at makinarya para sa mga kwalipikadong benepisyaryo.

Samantala, libreng counselling din ang binigay ng Department of Trade and Industry (DTI) Senior Trade and Industry Development Specialist Cynthia Marcelo sa mga dumalong MSMEs association.

Nakibahagi naman sa nasabing opening ang mga Department Heads at empleyado ng probinsya at namili mula sa mga lokal na produktong tampok sa naturang aktibidad.//idcd-pgo//