Amas, Kidapawan City | Disyembre 10, 2024 – Ito ngayon ang hamong iniwan ni Cotabato Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA sa mga opisyal ng Sangguniang Kabataan (SK) mula sa iba’t ibang panig ng lalawigan na dumalo sa isinagawang “2024 Governance Exemplars for Meaningful Service for Sangguniang Kabataan (GEMS for SK) Awarding Ceremony” ng pamahalaang panlalawigan at Department of the Interior and Local Government (DILG) na ginanap sa Provincial Gymnasium, Amas, Kidapawan City.
Binigyang diin ng butihing gobernadora na bilang naglilingkod at nagpapaabot ng mga programa at serbisyo sa mamamayan, ay mahalagang maging mabuting halimbawa ang mga SK at maalam sa maayos at disiplinadong pamamahala lalo na sa mga pondong inilalaan ng pamahalaan para sa kanilang sektor. Pinasalamatan din nito ang pagiging aktibong kabahagi ng mga batang lideres sa pagtataguyod ng mga programang tumututok sa pagpapaunlad at pagpapabuti ng kinabukasan ng mga kabataan.
Sa kabilang banda, pinangunahan din ng ina ng lalawigan ang paggawad ng parangal sa mga namumukod-tanging SK kung saan tumanggap ng plake at P100,000 cash prize ang Brgy. Katipunan sa bayan ng Arakan na itinanghal bilang first place sa top performing SK (barangay category) matapos magsagawa ng assessment ang Provincial Monitoring and Evaluation Team (PMET). Nasa pangalawang pwesto din ang SK ng Brgy. Luhong, Antipas na nakakuha ng plake at P50,000 cash prize.
Samantala, ipinaabot naman ni DILG Acting Provincial Director Inecita Kionisala ang kanyang pagbati sa mga SK sa pamamagitan ni LGOO Vita Gumahad at nagpasalamat sa pagsisikap ng mga opisyal na maibigay ang serbisyong totoo at may malasakit sa mga kabataang Cotabateño. Dumalo din sa aktibidad si SK Provincial Federation President/Ex-officio Boardmember Karen Michie De Guzman na pinangasiwaan ng tanggapan ni Provincial Youth Development Officer Laarni Y. Blase at mga youth volunteers.//idcd-pgo-mombay/PhotobyWMSamillano&CSMombay//