Kahusayan sa pamamahala at paglilingkod ng lalawigan ng Cotabato, kinilala sa katatapos na SGLG awarding

Amas, Kidapawan City | Disyembre 9, 2024 – Dumaan man sa butas ng karayom dahil sa serye ng ebalwasyon, muling pinatunayan ng pamahalaang panlalawigan ang kahusayan nito sa pamamahala at paglilingkod sa mamamayang Cotabateño matapos gawaran ng prestihiyosong Seal of Good Local Governance Award mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG). 

Sa ginanap na awarding ceremony ngayong Lunes ika-9 ng Disyembre 2024 sa Manila Hotel, Ermita, Metro Manila,  personal na tinanggap ni Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA ang parangal na iginawad mismo ng matataas na opisyal ng DILG. 

Ayon sa gobernadora, ang SGLG award at iba pang pagkilala na natanggap ng lalawigan ngayong taon ay bunga ng pinagsamang pagsisikap ng mga opisyales, kawani, at mamamayang Cotabateño na naniwala at lubos ang suporta sa adbokasiyang “Serbisyong Totoo.”

Sa panayam kay DILG Acting Provincial Director Inecita Kionisala, nakuha ng Cotabato ang nabanggit na parangal matapos makapasa sa 10 areas of governance na siyang naging batayan ng DILG sa pagpili ng awardees kabilang na ang — Financial Administration, Disaster Preparedness, Social Protection, Health Compliance, Sustainable Education, Business-Friendliness; Safety, Peace and Order; Environmental Protection; Tourism, Heritage Development, and Youth Development.

Nakatanggap rin ng naturang parangal ang namumukod tanging local government units sa lalawigan na nagpakita rin ng kanilang kahusayan na kinabibilangan ng Kidapawan City, mga bayan ng Pigcawayan, Midsayap, Aleosan, Kabacan, M’lang, at Magpet. 

Lubos naman ang kagalakan ni Gov. Mendoza sa isa na namang karangalang natanggap mula sa pamahalaang nasyonal at nagpasalamat sa lahat ng mga naging bahagi ng naturang tagumpay.//idcd-pgo-sotto//

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *