Amas, Kidapawan City | Hunyo 14, 2023 – Sa pagnanais ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza na agarang maihatid ang tulong pinansyal sa mga lolo at lola, sunod-sunod na isinasagawa ang senior citizen social pension payout sa buong lalawigan kung saan, ngayon araw, tinungo ng mga kawani ng Provincial Social Welfare and Development (PSWD) at Provincial Treasurer’s Office, ang bayan ng Matalam para simulan ang apat na araw na distribusyon sa may 5,414 beneficiaries.
Batay sa datus ng PSWD, P16.242M ang kabuoang halaga na inilaan para sa nasabing bayan ng pamahalaang nasyunal sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. sa ilalim ng programa ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) XII na pinamumunuan ni Regional Director Loreto V. Cabaya, Jr.
Kabilang sa mga unang nabiyayaan sa nabanggit na bayan ay ang 410 na mga kwalipikadong lolo at lola sa mga barangay ng Arakan, Tamped, at Taguranao kung saan tumanggap ng P3,000 na halaga bawat benepisyaryo sakop ang buwanang pensyon mula Enero hanggang Hunyo, ngayong taon.
Bilang kinatawan ni Gov. Mendoza, bumisita sa nasabing aktibidad si Matalam Vice Mayor Ralph Ryan H. Rafael, na nagpahayag ng pagsaludo sa liderato ng gobernadora sa pagsisikap nito na itaguyod ang kapakanan ng mga Cotabateño sa lahat ng sektor.//idcd-pgo-gonzales//Photoby: PSWD//