Kabacan, Cotabato- Pinalakas ngayon ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cotabato at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) – Ministry of Health (MOH) ang pagbabakuna sa residente ng 63 Barangay ng BARMM na dating sakop ng lalawigan ng Cotabato.
Kung saan target na mabakunahan ang abot sa 136,149 o 89.99% sa kabuoang 151,288 na populasyon ng SGA-BARMM.
Nitong Lunes, Setyembre 5, 2022 kasama ang DOH, IPHO, at BARMM- MOH tumungo ang grupo sa Brgy. Pedtad, Kabacan Cotabato upang ilunsad ang mass vaccination kontra Covid-19 para sa mga residenteng nais magpabakuna at magpa booster shot.
Sa kanyang mensahe bilang kinatawan ni Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza sinabi ni Board Member Jonathan Tabara na hangad ni Governor Mendoza na magkaroon ng pangkalahatang proteksyon kontra Covid-19 ang lahat ng Cotabateños para na rin sa kaligtasan ng kanilang komunidad at pamilya.
Labis naman ang pasasalamat ni Pedtad Brgy. Chairman Adan Mantawil dahil kahit na napabilang na sa BARMM ang kanilang barangay ay patuloy pa rin ang suportang ibinibigay sa kanila ni Governor Mendoza.
Hinikayat din nito ang kanyang nasasakupan na magpabakuna upang ang lahat ay maging protektado laban sa corona virus disease.
Mismong sina Department of Health – Field Implementation and Coordination Team (DOH-FICT) Undersecretary Dr. Abdullah B. Dumama, Jr., DOH XII Regional Director Dr. Aristides C. Tan, DOH Assistant Regional Director Dr. Sulpicio Henry Legaspi, Jr. at MOH OIC Chairman Dr. Zul Qarneyn M. Abas ang nanguna sa naturang mass vaccination activity.
Ang naturang aktibidad ay nakatakdang isasagawa sa iba pang barangay na bahagi ng Special Geographic Area ng BARMM simula bukas September 6-8 at September 27-October 2, 2022.
Kasama rin sa nasabing aktibidad sina Integrated Provincial Health Officer Dr. Eva Rabaya, Kabacan Councilor Engr. Fathma Guiabar, Former Ex-Officio Board Member Albert Rivera, BARMM Rep. Dr. Alimin Sencil, Kabacan Medical Health Officer Dr. Sofrinio T. Edu, Ex-Officio Board Member of IPMR Timuey Arsenio Ampalid at iba pang kawani ng DOH.//idcd-pgo//