Amas, Kidapawan City- Dahil sa mahusay nitong pagbibigay ng serbisyo publiko at epektibong pagpapatupad ng Human Resource Manangement Systems, binigyang pagkilala ng Civil Service Commission (CSC) sa ilalim ng Program to Institutionalize Meritocracy and Excellence in Human Resource Management (PRIME-HRM) ang pamahalaang panlalawigan ng Cotabato.
Ang certificate of recognition for PRIME-HRM Maturity Level 2 sa larangan ng Performance Manangement para sa taong 2021 ay personal na iniabot ni CSC XII Regional Director Resurrection P. Pueyo kay Provincial Administrator Venancio B. Ang at Provincial Human Resource Management Office Head Erlinda B. Catalan.
Sa kanyang mensahe bilang kinatawan ni Governor Nancy A. Catamco, pinasalamatan ni Provincial Administrator Ang, ang CSC sa nasabing parangal at nagpaabot ng pagbati sa Provincial Human Resource Management Office (PHRMO) na isa sa mga naging tulay upang makamit ang nasabing pagkilala.
Ayon sa kanya hindi madali ang pagbabago sa isang organisasyon, marami itong balakid na dapat harapin ngunit walang imposible kung mayroong kooperasyon. Pinuri naman ni Regional Director Pueyo ang kawani ng kapitolyo sa ipinakita nitong sakripisyo at dedikasyon sa paghahatid ng serbisyo publiko.
Dagdag pa niya, bihira lamang ang nakakakuha ng ganitong pagkilala at ito ay bunga ng pagtutulungan ng bawat kawani ng pamahalaang panlalawigan. Tanging ang Cotabato Province lamang sa buong Rehiyon XII para sa taong 2021 ang nakatanggap ng PRIME-HRM Level 2 Recognition sa larangan ng Performance Management, ito ay batay na rin sa CSC RO XII official website.
Ang pag gawad ng pagkilala ay ginanap sa Provincial Capitol Rooftop, Amas, Kidapawan City, nitong nakaraang linggo Hunyo 22, 2022 na dinaluhan din nina CSC RO XII Assistant Regional Director Atty. Venus Ondoy-Bumanlag, CSC RO XII Policies, Systems, and Evaluation Division Chief HR Specialist Mariam Anabelle Salcedo, CSC Provincial Director Glenda Foronda-Lasaga, Miyembro ng Committee on Human Resource Managament- Personnel Selection Board (HRM-PSB), Committee on Performance Management, at Heads of offices ng probinsiya.//idcd-pgo//