Pagbibigay ng libreng konsultasyon at gamot para sa may mental health problems prayoridad ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato

Amas, Kidapawan City| Agosto 8, 2022- Isa sa mga mahahalagang programang patuloy na pinagtutuunang pansin ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato sa ilalim ng pamumuno ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza ay ang pagbibigay nito ng libreng konsultasyon at gamot para sa mga mamamayan ng lalawigan na may problema sa pag-iisip o mental health problem.

Sa pangunguna ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) at sa pakikipagtulungan ng barangay health workers, caregivers, pamahalaang lokal at Rural Health Units (RHUs) ilang mental health check-ups ang isinagawa sa iba’t ibang bayan ng probinsya nitong unang linggo lamang ng Agosto 2022.

Ayon sa datus ng IPHO abot sa siyamnapu’t lima (95) ang naging benepisyaryo ng nasabing programa na nagmula sa mga bayan ng Antipas (29), Arakan (43) at Kabacan (23).

Ang programang mental health check-up ng IPHO ay buwanang isinasagawa sa iba’t ibang bayan ng lalawigan kung saan isang team mula sa IPHO na binubuo ng psychiatrist, psychometrician, nurses at ilang allied health professionals ang mismong pumupunta sa mga munisipyo ng lalawigan upang direktang maihatid ang serbisyong kinakailangan ng mga pasyenteng may mental health problems ayon na rin sa direktiba ni Gobernador Mendoza.

Layunin ng nasabing programa na matulungan ang mga mamamayan ng lalawigan na may problema sa pag-iisip at hirap sa buhay na makapagpagamot sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng konsultasyon at gamot, at tamang health education hanggang sila ay gumaling at maari ng mamuhay ng hindi na umaasa sa iba.

At upang tiyakin na magiging maayos ang pagpapatupad ng nasabing programa at sapat ang gamot na maibibigay sa mga pasyente nito, ang annual budget ng mental health program para sa taong 2022 na limang milyon piso ay dinagdagan pa ng pamahalaang panlalawigan ng limang milyong piso sa pamamagitan ng Supplemental Budget No.1.

Matatandaan na kahit noon pa man sa unang termino bilang gobernador ni Mendoza mula 2010-2013 ay prayoridad na nito ang programang mental health para sa mga kababayan nitong labis na nangangailangan ng tulong, pagmamahal at pag-aaruga//idcd//