Panukalang pondo para sa fiscal year 2026 ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa rehiyon dose, iprinisenta sa RDC

Amas, Kidapawan City- Pormal nang iprinisenta ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan sa rehiyon dose ang kani-kanilang mga panukalang pondo para sa taong 2026 sa ginanap na Regional Development Council (RDC) XII Joint Advisory Committee (AdCom) and Executive Committee (ExeCom) Meeting Cum FY 2026 Budget Review and Consultation sa Batasang Pambansa, Quezon City ngayong Lunes, Enero 28, 2025.

Ito ay pinangunahan ni RDC XII Chairperson at Cotabato Gov. LALA TALINO-MENDOZA kasama sina 3rd District Representative Ma. Alana Samantha T. Santos bilang lead convenor ng naturang aktibidad kasama si Deputy Speaker at Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) Representative Raymond Democrito C. Mendoza.

Kabilang sa mga regional line agencies na naglahad ng kanilang mga prayoridad na programa ay ang Department of Agriculture (DA), Department of Transportation (DOTr), Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of Social Welfare and Development (DSWD), Commission on Higher Education (CHED), Department of Education (DepED), Department of Health (DOH) at Philippine Ports Authority-Central Office.

Ayon kay Governor Mendoza, ang naturang pagtitipon ay naging daan upang maayos na mailatag ang mga polisiya, programa at prayoridad ng bawat ahensya na makakatulong sa pag-unlad ng buong SOCCSKSARGEN Region.

Aniya, “We really need your help to navigate our programs as we shape the development agenda for 2026. Ipatuloy natin ang pagbibigay ng Serbisyong Totoo para sa Rehiyon Dose tungo sa isang Bagong Pilipinas!”

Samantala, pinasalamatan naman ni National Economic Development Authority (NEDA) Undersecretary for Regional Development Carlos Bernardo O. Abad Santos ang buong RDC 12 sa maayos na pagganap ng konseho na itinuring nitong isa sa mga pinaka-aktibong RDC sa buong bansa.

Dumalo rin sa pagpupulong sina General Santos City Lone District Representative Loreto B. Acharon, South Cotabato 2nd District Representative Peter B. Miguel, MD; South Cotabato 1st District Representative Isidro D. Lumayag, Sarangani Lone District Representative Steve C. Solon, RDC XII Co-chairperson Richlie Lyndon L. Magtulis, RDC XII Vice-Chairperson and NEDA XII Regional Director Phlorita A. Ridao, regional directors, city mayors, at iba pang mga opisyales.//pgo-sopresencia//

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *