Pamahalaang panlalawigan, naghahanda na sa 2025 Child Friendly Local Governance Audit

“Proteksyonan sa gobyerno ang mga bata.” Ito ang binigyang diin ni Cotabato Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA matapos nitong personal na bisitahin ang “Provincial Roll-out on 2025 Child Friendly Local Governance Audit (CFLGA) Implementation” ngayong araw ng Biyernes, Enero 3, 2025 na ginanap sa Provincial Capitol Rooftop, Amas, Kidapawan City.

Dito, ipinahayag ng butihing gobernadora sa mga dumalong City/Municipal Social Welfare and Development Officers, Municipal Local Government Operation Officers at Local Council for the Protection of Children focal persons ang mahigpit na hangarin nitong mabigyan ng ibayong proteksyon ang mga kabataan laban sa iba’t ibang uri ng karahasan at pang-aabuso dahil bilang isang ina at itinalagang pinakamataas na lider ng probinsya ay nais nitong makamit ng mga kabataang Cotabateño ang mga pangarap nito sa buhay at makatulong sa kanilang pamilya at sa komunidad.

Maliban dito, pinaalalahanan din ni Gov. Mendoza ang mga social workers at iba pang empleyado ng gobyerno na maging masigasig sa pagganap ng kanilang mga responsibilidad at tungkulin habang isinaalang-alang ang kapakanan ng mga kliyente lalo na sa pagbibigay ng serbisyo-publiko.

Ang CFLGA ay isang performance audit system na itinataguyod ng Department of the Interior and Local Government (DILG) na naglalalayong ma-assess ang sistema o paraan ng mga local government units sa paghatid ng mga kinakailangang serbisyo sa mga kabataan nang mabigyan ng seguridad ang kanilang mga karapatan gamit ang mga sumusunod na indicators: survival, development, protection, participation at governance.

Pinangasiwaan ng DILG ang aktibidad kaagapay ang tanggapan ni PSWD Officer Arleen Timson, na dinaluhan din ni DILG Acting Provincial Director Inecita Kionisala.//idcd-pgo-mombay/PhotobyWMSamillano&PSWDO//

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *