Pagbibigay ng insentibo sa Pantawid Pamilya Parent Leaders, suportado ni Gov. Mendoza

Amas, Kidapawan City | Disyembre 11, 2024 – Masayang ibinalita ni Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA sa mga parent leaders mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan na dumalo sa “Pantawid Pamilya Parent Leaders Summit and Consultation” ngayong araw na ang pamahalaang panlalawigan ay maglalaan ng pondo sa susunod na taon na magsisilbing insentibo ng mga ito bilang kaagapay ng pamahalaan sa pagpapabuti ng kapakanan ng mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). 

Ayon kay Gov. Mendoza, ito ay bilang pasasalamat ng kanyang pamunuan sa mga parent leaders na boluntaryong tumutulong upang maging maayos ang pagtataguyod ng 4Ps at iba pang mga programa sa kani-kanilang barangay na naihatid sa lalawigan bunga ng matibay na pakikipag-ugnayan nito sa pamahalaang nasyonal sa ilalim ng liderato ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at sa mga tanggapan nina DSWD Secretary Rex Gatchalian at Field Office XII Regional Director Loreto V. Cabaya, Jr., pati na sa opisina ni Trade and Union Congress of the Philippines (TUCP) Partylist Representative Raymond Democrito C. Mendoza. 

Sa kabilang banda, naging daan din ang naturang summit na ginanap sa Provincial Gymnasium, Amas, Kidapawan City upang magtipon-tipon ang mga parent leaders upang maitalaga ang mga bagong opisyales ng kanilang grupo at matalakay ang iba pang usapin ukol sa mga programang panlipunan ng pamahalaan. 

Dumalo din dito sina 3rd District Representative Ma. Alana Samantha T. Santos, Boardmember Ivy Martia Lei Dalumpines-Ballitoc, Provincial Advisory Council member Albert G. Rivera at mga kinatawan ng TUCP at DSWD XII.//idcd-pgo-mombay/PhotobyWMSamillano&CSMombay//