P15M tulong-pinansyal mula sa DSWD Sustainable Livelihood Program, ipinamahagi sa 1,000 benepisyaryong Cotabateño

Amas, Kidapawan City | Disyembre 10, 2024 – Naging isang araw na puno ng pag-asa para sa 1,000 benepisyaryo ng Sustainable Livelihood Program (SLP) ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang araw ng Martes, ika-11 ng Disyembre 2024, nang kanilang matanggap ang tig-P15,000.00 na tulong pinansyal, na may kabuoang halaga na P15M, na kanilang magagamit bilang panimula sa mga negosyo na makakatulong sa kanilang pamilya.

Ito ay bahagi ng programa ng pamahalaang nasyonal sa ilalim ng pamumuno ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos, Jr., kasama ang tanggapan nina DSWD Secretary Rex Gatchalian at Regional Director Loreto V. Cabaya, Jr. ng rehiyon dose upang mapaunlad ang kakayahan ng mga mahihirap na komunidad na maiangat ang estado ng kanilang pamumuhay, na siya ring isinusulong ni Gov.  LALA TALIÑO-MENDOZA sa probinsya ng Cotabato.

Sa kanyang pagbisita, binigyang-diin ni Gov. Mendoza ang kahalagahan ng pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan upang mabuksan ang mas maraming oportunidad para sa nasasakupan nito na magiging daan sa pagtamo ng mas maginhawang pamumuhay.

Ibinahagi rin ng butihing gobernadora ang ilang mga programa at proyekto ng kapitolyo na idinisenyo upang matugunan ang pangangailangan ng taumbayan tulad ng medical mission, animal mission, libreng pustiso, libreng dialysis, year-end relief, at marami pang iba.

Nagpahayag naman ng pasasalamat si DSWD Assistant Secretary Arnel Garcia sa mga inisyatiba ni Gov. Mendoza, na nagsisilbing tulay upang mabigyan ng tsansa ang mamamayan na matamo ang pangmatagalang pag-unlad.

Nasa naturang “payout activity” din sina Section Chief Noraidah Taha Busran ng Referral Management Section ng SLP Central Office, 3rd District Boardmember Ivy Martia Lei Dalumpines-Ballitoc, at iba pang panauhin na isinagawa sa Agri-Center Building, Amas, Kidapawan City.//idcd-pgo-bellosillo/ Photoby: WMSamillano&HGBellosillo//

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *