P72.76M halaga ng agricultural machinery and equipment, lubos na ipinagpasalamat ng 26 rice FCAs ng probinsya

Amas, Kidapawan City| Disyembre 4, 2024- Sa hangarin ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato na matugunan ang pangangailangan ng magsasakang Cotabateño, mahigpit itong nakipag-ugnayan sa tanggapan ng Department of Agriculture (DA) para makakuha ng kaukulang interbensyon.

Ngayong araw, nagbunga ang pagsusumikap ng kapitolyo sa pangunguna ni Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA matapos tanggapin ng 26 farmers’ cooperatives and associations (FCAs) sa probinsya ng Cotabato ang mahigit P72.76M na halaga ng 57 units ng farm machineries na pinondohan sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PhilMech) ng DA.

Kabilang sa mga ekwipong ipinamahagi ngayong araw sa ginanap na turnover and distribution of agricultural machinery sa Provincial Capitol Grounds, Amas, Kidapawan City ang four-wheel tractor, PTO-driven disc plow, levee maker, hand tractor, floating tiller, walk-behind transplanter, precision rice seeder, rice combine harvester, recirculating dryer, single pass rice mill at multi-stage rice mill.

Ang RCEF ay isa sa mga programa sa ilalim ng Rice Tariffication Law ni Senator Cynthia A. Villar na naglalayong mabigyan ng modernong kagamitan ang rice farmers.

Bilang isa sa mga kinatawan ni Gov. Mendoza, inilahad naman ni Provincial Advisory Council member Amalia J. Datukan ang kanyang pasasalamat sa mga programa na ipinagkakaloob ng pamahalaang nasyonal sa pamumuno ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. at DA Secretary Francisco Tiu Laurel na malaki ang maitutulong sa pagsusulong ng isang moderno at episyenteng pagsasaka sa probinsya.

Dagdag pa ni Datukan na mahalaga ang pagkakaroon ng “assessment” sa mga interbensyong ibinibigay ng PhilMech upang makita ang naging benepisyo nito lalo na sa usapin ng ani at kita ng mga magsasaka. Ito ay magbibigay daan din upang mapag-aralan kung naging epektibo ba ang programang ipinatupad ng pamahalaan at nakakatugon ba ito sa layuning mapataas ang produksyon ng recipient farmers at mabawasan ang kanilang gastusin. Ibinahagi din nito ang dalawang programa na binibigyang prayoridad ng probinsya, ang Palay Marketing Assistance Program for Legislators and Local Government Units (PALLGU) at Rice Revolution Program through Convergence Approach.

Ang ceremonial distribution ng mga makinarya ay pinangasiwaan ng Office of the Provincial Agriculturist. Nasa ceremonial activity rin sina boardmember Jonathan M. Tabara, Acting Provincial Agriculturist Engr. Elena E. Ragonton, DA XII Agricultural Project Coordination Officer Rey Domingo, at kinatawan mula sa PhilMech na sina FMFOD Chief Engr. May Ville Castro, PhilMech Mindanao Cluster Head Franklin Gomez at kinatawan ni Sen. Villar na si Arthur Go at iba pang panauhin.//idcd-pgo-mombay//