Amas, Kidapawan City | Nobyembre 29, 2024 – Hindi tumitigil si Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA upang maipahayag at maipadama ang espesyal o mahalagang puwang ng nakatatanda sa puso nito, “ang mga senior citizens ang pundasyon sa matag pamilya ug komunidad,” minsan pang nabanggit nito, bilang tanda ng kanyang pagkilala sa serbisyo, dedikasyon at sakripisyo ng mga lolo at lola na nagtaguyod ng pangangailangan ng kanilang mahal sa buhay sa loob ng mahabang panahon.
Sa hangaring matiyak ang kanilang magandang kalusugan, patuloy na ipinapatupad ng kapitolyo ang iba’t ibang health programs, kabilang na ang pagbibigay ng “free dentures” sa higit na nangangailangang nakatatanda sa ilalim ng “Balik Ngiti Program,” libreng antipara mula sa programang “Oplan Liwanag,” pamamahagi ng maintenance medicines para sa altapresyon at diabetes at marami pang iba.
Pinabilis rin ng butihing gobernadora ang implementasyon ng “Social Pension Program” ng pamahalaan upang agad nila itong mapakinabangan. Sa mithiin ding mas mapaginhawa pa ang buhay ng mga lolo at lolang umabot na sa edad na 100 na taon, o higit pa, inilunsad ni Gov. Mendoza ang programang “Pagpupugay sa ‘sandaang taong tagumpay ng Cotabato-centenarian,” kung saan tumanggap ngayong Huwebes, ika-28 ng Nobyembre 2024 sa idinaos na “pay-out” sina Eugenio E. Jasmin at Nena S. Gilapay na kapwa residente ng bayan ng Midsayap ng tig-P50,000 “cash gift” sa pangangasiwa ni Provincial Social Welfare and Development Officer Arleen A. Timson, katuwang si Program Coordinator Elizer, Jr. J.Padojinog bilang pagpupugay at pasasalamat ng kapitolyo sa itinuturing na inspirasyon ng lahat ng henerasyon. Nasa naturang aktibidad din ang mga kinatawan mula sa Office of the Senior Citizens Association (OSCA) ng bayan, Municipal SWDO at kapamilya ng centenarian awardees.
Ang nasabing inisyatibo ay alinsunod sa Republic Act No. 10868-“ An act honoring and granting additional benefits and privileges to Filipino Centenarian and for other purposes.”//idcd-pgo-frigillana/photoby:pswdo