Lokal na produkto ng lalawigan tampok sa “Treasures of Region 12 Trade Expo” sa Glorietta Makati 

Amas, Kidapawan City/ Nobyembre 15, 2024 –

Pormal nang sinimulan ngayong araw ang “Treasures of Region 12 Trade Expo” na ginanap sa Glorietta Mall, Makati City, mula ika-15 hanggang 17 ng Nobyembre 2024. Kabilang sa mga lumahok sa naturang expo ang lalawigan ng Cotabato, pati na rin ang iba pang mga probinsya at lungsod na sakop ng Rehiyon 12.  

Sa pagbubukas ng naturang expo, ipinaabot ni Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA, sa pamamagitan ni Dr. Orville Ballitoc, ang matibay nitong suporta sa mga kalahok na Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) at mga negosyante ng Rehiyon 12, pati na rin sa Department of Trade and Industry (DTI) na nag-organisa nito.

Ang expo ay magbibigay-daan hindi lamang upang makilala ang mga produktong likha sa Rehiyon 12, kundi upang mapalawak  din ang  merkado ng mga ito at makatulong sa pagpapalago ng ekonomiya ng rehiyon. Abot sa 12 MSMEs mula sa lalawigan ng Cotabato ang  sumali sa expo na kinabibilangan ng SJC Food Products, Tree Life Coco Sugar, Kuya Lhong’s Handicrafts Store, Ivonne’s Bag Manufacturing, Gabriel Fruit Production and processing, Eric Handy Crafts, Velasco’s Handicrafts Manufacturing, Kuvi Integrated Farm, San Vicente Cocosugar Producers Association, Greenlife Coconut Products Manufacturing, Renibon Pengavel Association at F&A Textile Manufacturing.

Dumalo at nangasiwa sa mga partisipanteng MSME ng lalawigan sina PMSMED Permanent Designate Mabel Lynell Calungsod, Provincial Advisory Council member Teresita R. Gementiza, PMSMED Member Teresita Español, Margian Warner at Russel Villorente ng Provincial Governor’s Office.

Naroon din si DTI Regional Director Flora Gabunales, at DTI Provincial Director Ferdinand Cabiles.  Tema ng nasabing expo ay “Buy Local, Be Vocal.” idcd-pgo j.abellana/photo by CPIPC.//