2024 Elderly Filipino Celebration, masayang ipinagdiwang

Amas, Kidapawan City | Oktubre 31, 2024 – Isa sa mga isinusulong ng pamunuan ni Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA ang kapakanan ng mga nakatatandang Cotabateño, kaya isinasagawa ang iba’t ibang programa sa mga ito, tulad ng “Balik Ngiti” Program, pamamahagi ng social pension, at marami pang iba bilang pagkilala at pagpapahalaga sa mahalaga nitong kontribusyon sa lipunan.

Bilang pakikiisa ng pamahalaang panlalawigan sa pagdiriwang ng “2024 Elderly Filipino Celebration,” inorganisa ngayong araw ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa pamumuno ni PSWDO Head Arleen Timson, ang “Culmination Day Program” sa Provincial Gymnasium, Amas, Kidapawan City.

Matagumpay namang ipinagdiwang ang nasabing selebrasyon kung saan tampok dito ang ginawang patimpalak, na nilahukan ng ilang miyembro ng mga senior citizens mula sa iba’t ibang bayan at lungsod sa probinsya. Kabilang na rito ang chorus (Sa Kabukiran), zumba (Dayang-Dayang), at folk dance (Itik-Itik).

Bilang chairman ng Gender and Development Family Affairs and Social Services, ipinaabot ni Boardmember Ivy Martia Lei Dalumpines-Ballitoc ang kanyang paghanga at pasasalamat sa naging kontribusyon ng mga nakatatandang Cotabateño sa maunlad na komunidad.

Nakiisa rin sa nasabing selebrasyon sina boardmembers Joemar Cerebo at Jonathan Tabara kasama sina Kabacan Mayor Evangeline Guzman at Provincial Advisory Council (PAC) Member Onofre Respicio at iba pang bisita.//idcd-pgo-bellosillo//