Amas, Kidapawan City | Patuloy na inihahatid ng pamahalaang panlalawigan ang mga pangunahing serbisyo sa mga komunidad sa pamamagitan ng Serbisyong Totoo Caravan (STC) na ginanap sa Barangay Lampagang, Tulunan ngayong araw ng Huwebes Oktubre 24, 2024. Layunin ng programa na gawing matibay, matatag at progresibo ang mga komunidad at malayo sa kaguluhan o insurhensiya, habang pinapalapit ang gobyerno sa mamamayan. Pinangunahan ito ng STC Team katuwang ang Provincial Human Resource Management Office (PHRMO) at iba’t ibang tanggapan ng probinsya at mga ahensya ng pamahalaan.
Mahigit 950 residente ng Barangay Lampagang ang nakinabang sa mga serbisyong inihandog, kabilang na ang medical-dental services, veterinary services, Life Support at First Aid training, legal assistance, birth record registration, libreng gupit. Namahagi rin ng food packs, fruit tree seedlings, at marami pang iba. Labis namang natuwa ang mga residente sa mga serbisyong ipinagkaloob, na malaki ang magiging tulong sa kanilang pamumuhay.
Sa mensahe ng pasasalamat ni Barangay Chairman Albin C. Macabales, ipinaabot nito ang kanyang taos-pusong pasasalamat at paghanga kay Governor LALA TALIÑO-MENDOZA at sa lahat ng mga nakibahagi sa caravan. Ipinahayag din nina boardmembers Joemar Cerebo, Ivy Martia Lei Dalumpines-Ballitoc, Provincial Indigenous People Mandatory Representative/ Ex-officio Boardmember Arsenio M. Ampalid, at si Tulunan Mayor Reuel Limbungan ang kanilang suporta sa aktibidad na ito.
Bukod dito, isinagawa rin ang tree growing activity bilang bahagi ng pangangalaga sa kapaligiran at pagpapanatili ng kalikasan, na isa rin sa mga adhikain ng pamahalaang panlalawigan para sa mas maunlad at ligtas na pamayanan.// idcd-pgo-delacruz//