Kahalagahan ng kalusugang pangkaisipan,  tinalakay sa ginanap na Mental Health Summit 2024 sa bayan ng Makilala

Sa hangarin ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato, na mapanatili ang kalusugang mental ng bawat Cotabateño, isinagawa ngayong araw, Oktubre 18, 2024  ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) katuwang ang Rural Health Unit ng Makilala ang Mental Health Summit 2024. 

Ang nasabing aktibidad ay naglalayong makapagbigay ng mahahalagang kaalaman tungkol sa “mental health” lalo na sa mga kabataan na siyang kadalasang dumadanas nito dahil na rin sa pagbabagong pisikal, sikolohikal at emosyonal. Kabilang sa mga topikong tinalakay sa nabanggit na summit na dinaluhan ng 100 kabataan ay ang Myths and Facts about Mental Health at Suicide Prevention Awareness. Nagkaroon din ng open forum at mga takalayan at paligsahan sa paggawa ng mental health advocacy. 

Ito na ang pangalawang araw ng aktibidad na pormal na sinimulan kahapon bilang isa sa mga inisyatibong programa ng pamunuan ni Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA na naniniwalang upang mas maging produktibo ang isang indibidwal kailangan itong maging malakas at malusog hindi lamang sa pisikal na aspeto kundi pati na rin sa usaping pangkaisipan. 

Naging panauhin sa naturang summit si Makilala Vice Mayor Ryan Tabanay na nagpasalamat kay Gov. Mendoza sa isa na namang pambihirang pagkakataon at pagsasanay na ibinahagi ng IPHO sa mga Makilaleños.//idcd-pgo-sotto/ PhotobyKCabrillos-IPHO//

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *