Amas, Kidapawan City – Kahit sino ay bulnerableng mahawaan ng influenza (flu) o trangkaso, at ang mga komplikasyon nito ay maaring magdulot ng panganib sa kalusugan ng tao o pagkamatay ng iilan. Isang epektibong pamamaraan upang maiwasan ang sakit na ito ay ang pagpapabakuna ng flu vaccine kada taon.
Kaya, sa direktiba ni Governor Emmylou Taliรฑo-Mendoza, binisita ng mga tauhan ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) ang mga opisina ng pamahalaang panlalawigan nitong ika-10 ng Enero 2024 upang bakunahan ang mga manggagawang handang magpa-vaccine, at magpapatuloy ngayong araw, Huwebes, ala una hanggang alas kwatro ng hapon (1-4p.m.) sa Provincial Capitol Lobby, Amas Kidapawan City.
Ang nasabing aktibidad ay bahagi ng pinalalakas na flu vaccination campaign ng Department of Health (DOH), na itinuturing na epektibong estratehiya hindi lamang upang maisulong ang kalusugan ng publiko, kundi upang maiwasan ang posibleng flu outbreak.
Inaasahan din na ang pagbabakuna ay makakatulong upang maiwasan ang paglaganap ng flu sa mga komunidad at paglala ng kondisyon ng mga nagkakasakit nito.
Pinaalalahanan naman ang publiko na palakasin ang resistensiya at protektahan ang sarili laban sa trangkaso. // abellana-idcd// photo by IPHO//.