Amas, Kidapawan City – Opisyal ng binuksan ni Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza ang unang araw ng Summer Kids Peace Camp sa bayan ng Alamada na ginanap sa Alamada Central Elementary School.
Tinatayang abot sa 1,650 ang kabuoang bilang ng mga mag-aaral mula sa 31 na pampublikong paaralan ng bayan ang lalahok sa tatlong araw na aktibidad na inihanda ng pamahalaang panlalawigan sa pangunguna ng Provincial Budget Office (PBO) katuwang ang Department of Education (DepEd).
Masaya si Governor Mendoza na makita sa mga kabataan ang interes at kagustuhan na matutunan ang mga mahahalagang bagay na kanilang magagamit sa pang araw-araw upang maging isang responsableng mamamayan sa kanilang komunidad.
Aniya, layunin ng SKPC na maipaunawa sa kanilang murang edad na ang pagrespeto, pakikipagkapwa, pagkakaibigan at pagkakaisa ay susi sa pagpapanatili ng isang mayapa at maunlad na lalawigan.
Pinasalamatan naman ng gobernadora ang prisensya at pakikiisa ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP) at Bureau of Fire Protection (BFP) sa pagpapanatili ng seguridad at kaligtasan ng mga batang campers.
Nakiisa rin sa isinigawang opening program sina Dr. Julie B. Lumogdang bilang representante ni SDS Romelito G. Flores, Deped SKPC Coordinator Lito S. Fernandez at mga District Supervisors mula sa nasabing bayan.//PGO-Sopresencia//