Gov. Mendoza pinasalamatan ang DOST region 12 sa halos kalahating milyong piso na programang natanggap ng probinsya

Amas Kidapawan CityI May 8, 2023- Taos pusong nagpasalamat si Cotabato Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza sa Department of Science and Technology (DOST) region 12 sa programa na itinurnover nito sa lalawigan ng Cotabato na nagkakahalaga ng P471,800.00 sa ilalim ng DOST- Community Empowerment through Science and Technology (CEST) Program, nitong ika-4 ng Mayo 2023, sa DOST- USMARDC Building, University of Southern Mindanao, Campus, Kabacan Cotabato.

Sa isinagawang programa, pinasalamatan ni Governor Mendoza sa kanyang mensahe ang DOST Region 12 sa pamumuno ni Regional Director Engr. Sammy P. Malawan sa patuloy na suportang ibinibigay nito para matulungan ang mga mamamayan ng lalawigan ng Cotabato.

Kabilang sa mga naging benepisyaryo ng nasabing programa ay ang Bureau of Jail and Management Penology (BJMP) District Jails sa bayan ng Pigcawayan at Kabacan.

Maliban sa district jails ay tumanggap din ang

Mimbalawag Coffee Farmers Organization sa bayan ng Alamada ng PORTASOL Multi-commodity Dryer. Isang makabagong teknolohiya na tumutulong para mapabilis ang proseso ng pagpapatuyo ng mga produktong agrikultura gaya ng palay, luya, prutas at marami pang iba.

Kasabay rin sa nasabing programa ay ang paglagda ng Memorandum of Agreement sa pagitan ng DOST-CEST program at mga benepisyaryo nito na kinabibilangan ng mga sumusunod: Barangay Tapodok People’s Organization ng Aleosan; Mimbalawag Coffee Farmers Organization ng Alamada at mula sa bayan ng Mlang ang New Rizal Social Action Farmers Association at Mamalangcap Community ng Barangay Dungoan.

Nag paabot din ng pasasalamat siRD Malawan sa ina ng lalawigan sa pagkakataon na ibinigay para maipaabot sa higit na nangangailangan ang mga makabagong teknolohiya ng DOST-CEST na tumutulong at nagbibigay panibagong pag-asa sa mga mamamayan.

Ang nasabing aktibidad ay isinagawa sa pangunguna ng DOST XII katuwang ang pamahalaang panlalawigan ng Cotabato ay dinaluhan nina BJMP XII RD JCSupt. Leo P. Balbon kasama ang kinatawan ni 3rd Congressional District Congresswoman Ma. Alana Samantha T. Santos, mga Board Members ng nabanggit na distrito na sina Ivy Dalumpines-Ballitoc, Joemar S. Cerebo at Jonathan Tabara, DOST PD Michael T. Mayo at USM Pres. Francisco Gil N. Garcia.//idcd-pgo-dalumpines/PhotobySMNanini//