Mental Health Check-up para sa buwan ng Abril 2023
Amas, Kidapawan City | May 4, 2023 – Sa patuloy na adbokasiya hinggil sa pangangalaga ng kalusugang pangkaisipan ng pamahalaang panlalawigan sa ilalim ng liderato ni Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza, muling isinagawa ang serye ng Mental Health Check-up sa iba’t ibang bayan sa probinsya nitong ika-26 hanggang ika-29 ng Abril.
Abot sa 139 na indibidwal ang natulungan ng nasabing aktibidad na pinangunahan ng Intergrated Provincial Health Office (IPHO) para sa mga benepisyaryo mula sa bayan ng Kabacan, Pigcawayan, Aleosan, at lungsod ng Kidapawan.
Ang naturang programa ay buwanang ginagawa ng Serbisyong Totoo team na binubuo ng mga psychiatrist, psychometrician, nurses at ilang mga health professionals para sa mga indibidwal na nagnanais magpakonsulta para sa kalusugang pangkaisipan mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan.
Layunin nito na tulungan ang mga Cotabateñong nangangailangan ng interbensyon ng eksperto hinggil sa mental health sa pamamagitan ng pagbibigay ng libreng konsultasyon at gamot, at pagtuturo sa mga ito ng wastong paraan ng pangangalaga sa kalusugang pangkaisipan.
Magpapatuloy ang kapareho ring aktibidad sa iba pang mga bayan sa lalawigan sa susunod na buwan.//idcd-pgo-gonzales// Photoby: IPHO/