Amas, Kidapawan City I August 23, 2022 – Sa isang araw na Intensive Vaccination Drive na isinagawa ng pamahalaang panlalawigan sa bayan ng Carmen nitong Lunes, Agosto 22 taong kasalukuyan, abot sa 1,400 na ang nabawas sa bilang ng mga hindi bakunado sa Covid-19 sa nasabing bayan matapos sumailim sa 1st dose ng bakuna ang mga kwalipikadong residente, habang dagdag na 1,673 naman ang nagpabakuna ng 2nd dose at booster shots o kabuoang 3,073 na mga nagpabakuna.
Sa nabanggit na kabuoang bilang, 624 sa mga ito ang 2nd dose, 976 ang 1st booster habang 73 naman ang tumanggap ng 2nd booster shot. Ang mga ito ay nagmula sa sampung barangay ng Carmen na may pinaka mababang bilang ng mga nagpabakuna kumpara sa iba pang mga barangay nito. Ito ay kinabibilangan ng Pebpoloan, Lanoon, Langogan, Manili, Nasapian, Tambad, Cadiis, Kibayao, Kibenes, Manarapan at Palanggalan na magkasabay na inikot ng sampung vaccination teams mula sa probinsya, rural health unit (RHU) at volunteer health workers sa lokalidad lulan ng mga ambulansya upang mangumbinse ng mga residente nito na magpabakuna.
Ito ay ayon na rin sa direktiba ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza sa layuning madagdagan ang vaccination coverage sa probinsya at masiguro ang kaligtasan ng mamamayan lalo pa’t sa loob ng mahigit dalawang taon ay hindi pa rin natutuldukan ang banta ng Covid-19.
Ayon kay National Immunization Program Coordinator Joanna May Aranas ng Integrated Provincial Health Office (IPHO), lahat nang tumanggap ng bakuna (1st at 2nd doses at booster shots) sa nasabing aktibidad ay binigyan ng P200 incentive – isang inisyatibo ni Governor Mendoza upang makapanghikayat ng mas marami pang Cotabeteño.
Ginawa naman ito kasabay ng paglunsad ng “Pinaslakas” Nationwide Booster Vaccine Campaign na ginanap sa Carmen Municipal Hall kasama si Governor Mendoza at Department of Health (DOH) 12 Assistant Regional Director Dr. Sulpicio Henry M. Legaspi Jr. Naroon din sa nasabing aktibidad si Provincial DOH Officer Rubelita H. Aggalut at mga lokal na opisyales ng Carmen sa pangunguna ni Mayor Rogelio T. Taliño. Pangunahing nangasiwa sa nasabing aktibidad ang IPHO sa pangunguna ni Dr. Eva C. Rabaya katuwang ang Provincial Treasurer’s Office (PTO) na nanguna sa distirbusyon ng mga insentibo.//idcd//