Siyam na bagong ambulansya binigay ng pamahalaang panlalawigan sa mga LGUs

Amas, Kidapawan City I August 23, 2022 – Siyam na bagong ambulansya na nagkakahalaga ng higit P1.7M bawat isa ang itinurn-over ngayong hapon ni Governor Emmylou “Lala” Taliño-Mendoza sa siyam na maswerteng munisipalidad sa lalawigan.

Masayang tinanggap ng mga alkalde mula sa bayan ng Aleosan, Arakan, Carmen, Kabacan, Libungan, Magpet, Matalam, Pigcawayan at President Roxas kasama ang kanilang Municipal Health Officers (MHOs) ang nasabing ambulansya na ayon sa kanila ay magiging malaking tulong upang maihatid ng mabilis at maayos ang mga serbisyong medikal sa mga Cotabateños.

Sa mensahe ni Governor Mendoza, binigyang diin nito ang pagpapahalaga ng kanyang administrasyon sa mga programang pangkalusugan. Aniya ang nasabing mga ambulansya ay gagamitin sa pagsasagawa ng mga health initiatives ng probinsya tulad ng medical-dental outreach programs at vaccination campaign sa mga barangays.

Sinaksihan din nina Board Members Jonathan Tabara, Joemar Cerebo, Ryl John Caoagdan, Sitie Eljorie Antao, at Liga ng mga Barangay Provincial Federation Phipps Bilbao at mga department heads mula sa iba’t ibang provincial offices ang nasabing turnover na ginanap sa Provincial Capitol Compound, Amas, Kidapawan City.//idcd-pgo//