Muling inihalal bilang ika-25 gobernador ng lalawigan ng Cotabato si dating bise-gobernador Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza.
Mayo 11, 2022 ng pormal na iprinoklama ng Commission on Election (COMELEC) ang pagkapanalo ni Mendoza na nakakuha ng 310,681 na boto, laban sa nakatunggali nito sa pagkagobernador na si dating Governor Nancy A. Catamco na nakakuha lamang ng 296,330 votes o lamang na 14,351.
Ang pagbabalik bilang gobernador ni Mendoza ay naging makasaysayan dahil tanging s’ya pa lamang ang kauna-unahang nakabalik sa panunungkulan bilang gobernador ng lalawigan matapos ang kanyang siyam na taong termino.
Unang sumubok noong 2010 na makabalik sa pwesto si dating Bise Gobernador Emmanuel F. Piñol na nagsilbi sa probinsya mula 1998-2007.
Subalit dalawang beses s’yang tinalo ni Mendoza sa halalan noong 2010 at 2013.
Si Mendoza ay nakapaglingkod din ng siyam na taon bilang Board Member, at siyam na taon bilang Kongresista ng unang distrito ng lalawigan, bago pa man ito naging Gobernador noong 2010-2019.
Sa 30 taon na kanyang panunungkulan bilang lingkod bayan, si Mendoza na itinuturing na ina ng “Serbisyong Totoo” ay marami ng proyekto at programang naipatupad, na isa sa mga naging dahilan ng kanyang muling pagkakahalal bilang punong ehekutibo ng lalawigan.
Noong Hulyo 20, 2022, pormal na nanumpa si Governor Mendoza kasama ang ilang opisyales ng probinsya kay Midsayap Executive Judge Lily Lydia A. Laquindanom.
Sa kanyang inaugural speech, pinasalamatan ng gobernadora ang 310,681 na mga Cotabateñong nagtiwala sa kanyang kakayahan na muling pamunuan ang probinsya na itinuturing niyang isang oportunidad at responsibilidad.
Aniya, “By the will of the people, guided by the grace of Almighty God I am once again gifted to lead the beautiful province of Cotabato. This assumption of office is neither a prize, nor reward for the political campaign rather it is a task to perform what is mandated and what is expected.”
Nabanggit din nito na inspirasyon niya sa kanyang panunungkulan ang pagmamahal na ibinigay sa kanya ng Cotabateño, “To all Cotabateños, regardless of political affiliations or religious beliefs, the resounding victory you have given me for the last uninterrupted 30 years will serve as my inspiration and conscience for the next 3 years.”
At upang maibigay sa mamamayan ng Cotabato ang mga serbisyong nararapat lamang na matanggap ng mga ito, tututukan ng kanyang administrasyon ang 12-point agenda na magsisilbi nitong batayan sa pagpapatuloy ng pagbibigay ng dekalidad na serbisyo publiko sa ilalim parin ng adbokasiyang “Serbisyong Totoo.” //idcd-pgo//