Amas,Kidapawan City (Setyembre 30, 2021)- “Maraming salamat po sa inyong pagpili at paglagay ng provincial technical training center sa probinsya, makakaasa kayo na kami sa provincial government ay handang sumuporta sa lahat ng programa ng TESDA.”
Ito ang naging pahayag ng ina ng lalawigan kasunod ng isagawang groundbreaking ceremony at 50 years deed of usufruct signing o ang pagpayag ng pamahalaang panlalawigan sa paggamit ng 5,000 square meters na lupa sa loob ng kapitolyo.
Ang paglagda sa nasabing kasunduan o deed of usufruct sa pagitan ng provincial government at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) ay pinangunahan ni Governor Catamco at TESDA Secretary Isidro S. Lapeña nitong araw ng Huwebes, Setyembre 30, 2021.
Itinuturing din ng gobernadora na isang malaking oportunidad para sa mga Cotabateño ang pagtatayo sa loob ng Provincial Capitol Compound ng kauna-unahang TESDA Training Center sa lalawigan ng Cotabato.
“Ang pagpapatayo ng training center na ito ay magbibigay ng bagong oportunidad at pag-asa sa mga indibidwal na hindi nakapagtapos ng kolehiyo na makahanap ng maayos na trabaho at mapagkakakitaan,” dagdag pa ni Governor Catamco.
Nagpasalamat naman si Secretary Lapeña sa suporta ng iba’t-ibang local government units lalo na ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato sa ilalim ng liderato ni Governor Catamco sa tulong nito sa pagpapatupad ng lahat ng programa ng ahensya.
“Masayang-masaya po ako ngayon dahil marami na naman po tayong matutulungan na mga nangangailangan dito sa probinsya ng Cotabato,”wika ni Lapeña
Sa kanyang pagtatapos ibinahagi din nito ang isang kasabihang, “Kung bibigyan mo ng isda ang isang tao, ang isda na yan ay pang isang araw lamang, pero pag tinuruan mo siyang mangisda yan ay makakatulong sa kanya panghabang buhay,” at yan po ang mandato ng TESDA, diin pa ni Lapeña.
Ayon kay TESDA Provincial Director Noraya A. Acas, ang training center na nakatakdang ipatayo ay mayroong apat na silid na magagamit ng mga sasailalim sa skills training ng ahensya.
Dagdag pa niya na ang mga trabahanteng gagawa ng naturang gusali ay ang mga trainee ng mansory, carpentry, electrical installation and maintenance at plumbing ng TESDA bilang parte ng kanilang training com production.
Sa ngayon ay hinihintay na lamang ng TESDA Cotabato Provincial Office ang pondo para sa naturang gusali na sa ngayon ay kasalukuyang pinoproseso ng TESDA national office.
Dumalo rin sa naturang aktibidad sina 3rd District Congressman Jose I. Tejada, Board Philbert Malaluan and Dulia Sultan, TESDA Region XII Regional Director Rafael Abrogar, Sultan Kudarat TESDA Provincial Director Benigno O. Aquino, Jr., Saranggani Province TESDA Provincial Director Elcid Castillo, Cotabato TESDA Provincial Director Noraya A. Acas, AFP and PNP officials, at department heads ng provincial government of Cotabato.//idcd//