Luvimin, Kidapawan City- Pormal nang nilagdaan nitong araw ng Biyernes, Setyembre 3, 2021 ang Memorandum of Agreement (MOA) on Provincial-led Agriculture and Fishery Extension System (PAFES) sa pagitan ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato, Department of Agriculture (DA) at iba pang stakeholders.
Ang paglagda sa nasabing MOA ay pinangunahan ni Governor Nancy A. Catamco, kasama sina DA Regional Executive Director Arlan M. Mangelen, Bureau of Aquatic Resources (BFAR) Regional Director Alfeo G. Piloton, Agricultural Training Institute (ATI) Regional Director Abdul I. Daya-an at Provincial Agricultural and Fishery Council (PAFC) Chairperson Angel M. Cervantes, Jr. at Sangguniang Panlalawigan Committe on Agriculture Chairperson Board Member Ma. Krista Piñol Solis.
Ang aktibidad ay sinaksihan ng mga farmers Organization, Irrigation Association, department heads at kawani ng Office of the Provincial Agriculturist (OPAg) na isinagawa sa Barangay Luvimin Kidapawan City.
Pagtanggap sa responsibilidad
Masaya namang tinanggap ni Governor Nancy Catamco ang bagong responsibilidad na kanyang pamumunuan bilang punong ehekutibo ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato.
Ayon sa gobernadora ang debolusyon ng ilang functions mula sa national government patungo sa lokal na pamahalaan ay makakatulong sa pagpapaunlad ng mga lokal na produkto ng lalawigan na maaring mapagkukunan ng karagdagang kita para sa mga magsasaka.
Dagdag pa ni Governor Catamco na ang programang debolusyon ay napapanahon din sa planong pagbubukas ng palipararan sa susunod na taon sa bayan ng M’lang, at inaasahan na magbibigay ng malaking oportunidad sa mga mamayan ng lalawigan lalo na sa sektor ng mga magsasaka sa pag-export ng kanilang produktong agrikultura.
“The devolution and implementation of PAFES will help more farmers of the province, mas magiging comprehensive at epektibo ang pagpapatupad natin ng programa sa tulong na rin ng iba’t-ibang ahensya,” wika ni Governor Catamco.
Mas komprehensibong programang pang-agrikultura
Sa kanyang presentasyon ipinaliwanag ni DA XII Chief Field Division Zaldy M. Boloron ang magiging papel ng PAFES sa pagpapaabot ng komprehensibo at epektibong programang pang agrikultura.
Ang PAFES ay isang sistema kung saan ang implementasyon ng mga programa na may kinalaman sa extension services na dating saklaw ng DA national ay direkta ng ipapatupad ng mga lokal na pamahalaan alinsunod sa implementasyon ng Mandanas-Garcia ruling na ipapatupad sa susunod na taon.
Ito ay isa ring survival and recovery program ng pamahalaan upang maibsan ang krisis na naidulot ng pandemiya sa ekonomiya lalo na sa sektor ng agrikultura.
Nagpaabot naman ng kanyang pagbati si DA Regional Executive Director Arlan Mangelen kay Governor Catamco sa pagiging bukas nito sa inobasyon at pagtanggap sa hamon na makapagbigay ng mas de kalidad na serbisyo sa mga magsasaka.
Ang lalawigan ng Cotabato ang pangalawang probinsya sa buong rehiyon XII na magpapatupad ng provincial-led agriculture and fishery extension system.//idcd-pgo//