Mlang, Cotabato- (July 29, 2021)- Tatanggap na simula ngayong araw ng Lunes, Agosto 2, 2021 ng swab samples para sa pagsusuri ang kabubukas pa lamang na MoLab (Molecular Laboratory) sa bayan ng M’lang kung saan aabot sa 93 samples ang kaya nitong suriin bawat araw.
Ito ang inihayag ni Integrated Provincial Health Officer Eva C. Rabaya sa inilungsad na M’lang District Hospital Molecular Laboratory (MoLab) ngayong araw ng Huwebes, July 29, 2021, sa bayan ng M’lang, Cotabato sa pangunguna ni Cotabato Governor Nancy A. Catamco kasama si 3rd District Representative Jose I. Tejada, mga lokal na opisyales ng M’lang sa pamumuno ni Mayor Russel M. Abonado.
Ayon kay Dra. Rabaya, ang MoLab ay magiging bukas mula 8am – 4pm Lunes hanggang Biyernes.
Samantala, 9am ang magiging cut-off time ng Integrated Provincial Health Office (IPHO) upang maisumite sa naturang laboratoryo ang lahat ng specimen na matatangap nito mula sa Municipal Epidemiology Survielance Unit (MESU) o City Epidemiology Survielance Unit (CESU).
Kapag ang sample ay nasa MoLab na maghihintay na lamang ng 24-48 oras para malaman ang resulta ng pagsusuri.
Tanging ang IPHO lamang ang pinahihintulutang magrelease ng RT-PCR official result mula sa MoLab patungo sa kinauukulang MESU/CESU.
Magiging target beneficiaries ng Real Time-Polymerace Chain Reaction test ang mga health workers, Covid-19 case with symptoms, asymptomatic close and secondary contact of a confirmed positive case or any individual na kasali sa Department of Health (DOH) category for testing.
Maghipit ring ipapatupad ang No- Walk-In para sa mga out-patients para sa kanilang personal na pangangailangan o ano mang kadahilanan.
Isang bagong antas ng kaunlaran
“Congratulations, this is another milestone for the province of Cotabato.” Ito naman masayang pagbati ni Department of Health (DOH) Provincial Officer Dra. Rubelita H. Agallut na siyang representante ni DOH Under Secretary Dr. Abdullah B. Dumama, Jr.
“Sa wakas ay nabuksan aniya at mamagamit na ang laboratoryong may malaking maitutulong upang labanan ang kinakaharap natin ngayong pandemya,” dagdag pa ni Aggallut.
Taos-puso namang nagpahayag ng pasasalamat si Cotabato Governor Nancy A. Catamco sa mga tumulong para naturang proyekto tulad ng Energy Development Corporation (EDC) represented by Mr. Froilan Garcia, Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio sa pamamagitan ni Board Member Shirlyn Macasarte – Villanueva, at sa lahat na tumulong at sumuporta upang maisakatuparan ang MoLab.
Inihayag din ng gobernadora ang kanyang paghanga sa technical persons sa likod ng napakagandang MoLab kasama ang DOH at Integrated Provincial Health Office (IPHO) sa pangunguna ni IPHO Head Dr. Eva C. Rabaya, na siyang lead implementor ng naturang adhikain. Ang MoLab aniya ay resulta ng tunay na pagkakaisa upang labanan ang problema sa Covid-19.
Naroon din upang maghayag ng suporta at paghanga ang mga lokal na ehekutibo at iba pang stakeholders mula sa iba’t ibang bayan
para sa mahalagang “milestone” para sa Probinsya ng Cotabato sa larangan ng serbisyong medikal.
Ang mga ito at sina, Mayors Reuel “Pip” Limbungan ng Tulunan, Jonathan Mahimpit ng Arakan, Aries Yu ng Libungan, Jesus Alisalis ng Banisilan, at Russel Abonado ng Mlang, kasama si Vice Mayor Joselito Piñol. Dumalo din sina Board Members Philbert Malaluan, Ivy Dalunpines-Balitoc, Joemar Cerebo at mga municipal health officers mula sa iba’t ibang local government units sa lalawigan.//idcd//