P55K tulong pinansyal tinanggap ng pamilya ng namayapang OFW

Amas, Kidapawan City (July 14, 2021) – Labis ang pasasalamat ng pamilya ni Cesar B. Rocaberte, Overseas Filipino Worker (OFW) na nasawi sa bansang Malaysia dahil sa Covid-19 matapos tanggapin ang P55,000 tulong pinansyal mula sa pamahalaang panlalawigan.

Buwan ng Hunyo ng dumulog sa tanggapan ni Governor Nancy A. Catamco si Princess Gay B. Rocaberte, 25 years old, pamangkin ng nasawing OFW, na taga Brgy. Poblacion Pikit, Cotabato upang humingi ng tulong pinansyal para sa pagpapauwi ng abo ng kanyang tiyuhin.

Ayon kay Princess, hindi kaya ng kanilang pamilya ang malaking halagang kinakailangan upang maiuwi ang abo ng kanilang kapamilya kaya minarapat nitong dumulog sa tangappan ng gobernadora upang humingi ng tulong.

Dininig naman ng Diyos ang kanilang panalangin dahil sa tulong na natanggap nila mula sa pamahalaang panlalawigan.

Nagpaabot naman ng labis na pasasalamat ang pamilya Rocaberte kay Governor Catamco sa naging positibong tugon nito sa kanilang kahilingan para mapauwi at makapiling kahit abo man lang ng kanilang namayapang kapamilya.

Ang pagbibigay ng pinansyal na ayuda ay pinangunahan ni Board Member Onofre L. Respicio sa Office of the Governor ngayong araw ng Miyerkules, Hulyo 14, 2021.//idcd//