Amas, Kidapawan City (March 12, 2021)- Palalakasin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Cotabato ang interbensyon nito para sa mga magsasaka ng saging matapos marinig ang kanilang panig sa isang forum na pinangunahan ng probinsya.
Ito ang naging tugon ni Provincial Agriculturist Sustines U. Balanag sa isinagawang Banana Stakeholders Consultation/Forum and Planning Workshop ngayong araw, sa Provincial Capitol Gymnasium, Amas, Kidapawan City.
May direktiba aniya si Governor Nancy A. Catamco tutukan at bigyan ng tugon ang mga pangangailangan ng iba’t ibang sektor ng agrikultura sa lalawigan kung saan kasama rito ang mga banana planters.
Nais ni Governor Catamco na matiyak ang sapat na suplay ng pagkain sa probinsya sa kabila ng pandemiya kung kaya bumuo ito technical working group na tututok sa food security program sa lalawigan.
Ilan sa mga interbensyon na pinaplanong iimplementa ng OPAg ay ang mga sumusunod: pagpapagawa ng karagdagang farm to market roads, pagbibigay ng libreng fruit processing training na pwedeng magamit ng magsasaka sa pagproseso ng kanilang produkto, at pagbibigay ng karagdagang pinansyal na ayuda kung kinakailangan.
Sa kanyang mensahe ipinaabot naman ni Sangguniang Panlalawigan Committee on Agriculture Chair Board Member Krista Pinol-Solis bilang representante ni Governor Nancy A. Catamco na tinututukan ngayon ng provincial government ang pagpapa-unlad sa sektor ng agrikultura hindi lamang sa pamamagitan ng pagbibigay ng planting materials at tulong pinansyal kundi sa pagbibigay na rin ng karagdagang kaalaman na magagamit ng magsasaka sa kanilang pag-uumpisa ng maliit na negosyo.
Nagpasalamat din ito sa mga banana planters sa pagtugon nito sa imbitasyon ng lalawigan na makilahok sa isang araw na consultation forum. Ang nasabing aktibidad ay dinaluhan ng abot sa 150 na banana planters mula sa iba’t-ibang munisipyo ng lalawigan na may layuning talakayin ang mga suliraning kinakaharap ng mga magsasaka ng saging lalo na sa pag-aani at pagbebenta ng kanilang mga produkto lalo na ngayong panahon ng pandemiya.
Naghayag naman ng kanilang pagsuporta sina SOCCSKSARGEN Banana Industry Council (SOBIC) Ecclesiastes Y. Roque, Department of Agriculture Regional Field Office XII Representative Harmie Jay M. Hechanova, at Department of Trade and Industry Provincial Director Ferdinand C. Cabilles sa mga programa ng probinsya at nangakong tutulong sa mga pagpapatupad ng mga ito.
Dumalo rin sa aktibidad si Provincial Agricultural and Fishery Council Chair Angel M. Cervantes, Jr., Land Bank of the Philippines Kidapawan Representative Arman R. Mantiquilla, Bank of the Philippine Islands Manager Cypian F. Magaway, at DA-Agri Marketing Assistance Chief Ismael Intao.//pgo-idcd//