Isinagawa nitong Biyernes, Pebrero 26, 2021 ang signing of deed of donation sa pagitan ng Provincial Government of Cotabato at donor ng lupa na si Ginoong Melecio Calvo para sa ipapatayong district hospital sa bayan ng Banisilan, Cotabato.
Ayon kay IPHO Head Dr. Eva C. Rabaya ang nasabing proyekto ay pakikinabangan ng abot sa 50,000 na Banisilinian na matagal ng nangarap na magkaroon ng sariling hospital.
Dagdag pa niya na buwan ng Setyembre 2020 ng magpulong ang Provincial Health Board patungkol sa pagpapatayo ng nasabing hospital upang i-endorso ito para sa kaukulang aksyon sa Sangguniang Panlalawigan (SP).
Enero ngayong taon ng aprobahan ang Ordinance No. 657 An Ordinance Establishing a District Hospital in Barangay Wadya, Banisilan Cotabato to be Known as Banisilan District Hospital.
Labis naman ang pasasalamat ni Mayor Jesus F. Alisasis kay Governor Catamco na siya umanong naging tulay upang matupad ang kanilang matagal ng pangarap. Ayon pa sa kanya, malaki ang nagagastos ng LGU Banisilan sa pagbibyahe ng mga pasyente na nangangailangan ng medikal na atensyon.
“Imagine almost pila ka million ang aton ma-spend sa pag transport lang sa pasyente sa mga hospital sa Cagayan, Cotabato City , Amado, kag CPH sa Amas. Naga MOA pa kita with other hospitals para lang ma cater ang aton mga pasyente,” wika ni Mayor Alisasis.
Nabanggit rin nito na dalawa hanggang tatlong beses pabalik-balik sa hospital para lang maghatid ng pasyente ang tatlo nilang ambulansya sa isang araw.
Masaya naman si Governor Nancy A. Catamco sa nasabing proyekto na aniya ay isa lang ding pangarap noon kasabay ng kanyang intensyon na mamuno sa lalawigan. Ayon sa Gobernadora na dama niya ang hinaing ng mga taga rito at nakita ang labis na pangangailangan ng nasabing bayan sa isang maayos at kalidad na serbisyong medikal na malapit sa kanila.
Nagpahayag din ang goberbadora ng pagsaludo kay mayor Alisasis na personal na humiling sa kanya sa naturang proyekto.
Ang Banisilan ay ang pinakamalayong munisipyo sa Probinsya at Cotabato.
Kung matatandaan isa sa 8 point development agenda ni Governor Catamco ang pagsulong at pagpapa-unlad ng mga hospital sa Lalawigan ng Cotabato.//pgo-idcd//