Banisilan, Cotabato (Pebrero 26, 2021)- Labis ang pasasalamat ng mga opisyal at residente ng Barangay Tinimbacan, Banisilan Cotabato ng personal na iturnover nitong Biyernes, Pebrero 26, 2021 ni Governor Nancy A. Catamco ang isang multi-purpose building na magsisilbing barangay hall ng nasabing barangay.
Ayon kay Provincial Engineer Domingo Doyongan, Jr., ang nasabing proyekto ay pinondohan ng abot sa dalawang milyong piso (P2M) sa ilalim ng 20% economic development fund ng lalawigan.
Dagdag pa niya na mas maagang natapos ang nasabing gusali na inumpisahang itayo Hulyo ng nakaraang taon na nakatakdang matapos ngayong Marso, taong kasalukuyan o 196 days sa halip na 240 days. Ito ay dahil na rin aniya sa direktiba ni Governor Catamco na bilisan ang implementasyon ng mga proyekto upang agad itong magamit ng recipient barangay.
Labis naman ang pasasalamat ni Barangay Chairman Rocky A. Talib dahil pinagbigyan ng pamahalaang panlalawigan ang kanilang kahilingan na magkaroon ng bagong tanggapan.
Ayon sa kanya, ang dati nilang inu-okopa na barangay hall ay maliit at masikip kaya minsan nahihirapan sila lalo na sa panahong maraming kliyente o di kaya may aktibidad sa barangay.
Sa kanyang mensahe binigyang diin naman ni Governor Catamco, na hindi magiging posible ang proyektong ito kung hindi na rin sa pagsisikap ng lokal na pamahalaan na pinangunahan ni Mayor Jesus Alisasis.
“Saludo ako sa inyong Mayor dahil siya ay nagsisikap na makipag-ugnayan sa probinsya upang makakuha ng mga proyekto para sa ikabubuti ng kanyang nasasakupan,” tugon ng gobernadora.
Nangako naman si Governor Nancy sa mga taga-barangay na aasikasuhin ng pamahalaang panlalawigan ang problema sa tubig sa naturang lugar at iba pang kakulangan sa palibot ng barangay hall katulad ng stage, additional span ng covered court, at pinayuhan ang mga opisyales at residente na magtanim ng mga puno sa palibot ng gusali upang magsisilbing lilim dito.
Sa mga darating na araw ay muling babalik ang tanggapan ng Provincial Engineering’s Office sa nasabing barangay upang tingnan ang mga kinakailangan sa paglalagay naman ng water supply sa direktiba na rin ng gobernadora.
Nagbigay naman ng maikling orientasyon patungkol sa kahalagahan ng pagbabakuna si Sangguniang Panlalawigan Committee on Health Chair at Provincial COVID-19 Incident Commander Philbert Malaluan bilang paghahanda na rin sa malawakang pagbabakuna kontra COVID-19.//idcd-pgo//