
Amas, Kidapawan City- Pormal nang pinasinayaan ngayong Miyerkules, ika-18 ng Hunyo 2025 ang P23M worth na Dalapuan communal irrigation system-phase I project sa Barangay Bannawag, Kabacan, Cotabato.
Ang nabanggit na proyekto na pinondohan ng National Irrigation Administration (NIA) ay mapapakinabangan ng 341 na magsasakang benepisyaryo na may service area na aabot sa 493 ektarya.
Naging bisita sa naturang turnover ceremony si 3rd District Representative Ma. Alana Samantha T. Santos, kung saan tiniyak nito na ang kanyang opisina katuwang si Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza ay patuloy na magiging katuwang ng magsasakang Cotabateño sa pagpapaabot ng kanilang mga hinaing at pangangailangan sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan.
Pinasalamatan din nito ang NIA at ang tanggapan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. sa pagsisikap na maisakatuparan ang naturang proyekto at maipagpatuloy ang phase II nito.
Labis namang pasasalamat ang ipinahayag ni Dalapuan IA President Prudencio L. Lacbao, Jr sa proyektong ibinigay ng pamahalaan na malaki ang maitutulong para mas mapaunlad pa ang kanilang ani, produksyon at kita.
Dumalo rin sa pagtitipon sina outgoing Board member Jonathan Tabara, Board Member-elect Reyman Saldivar, Kabacan Municipal Mayor Evangeline P. Guzman, NIA Division Manager Engr. Doroteo Canja at Acting Provincial Agriculturist Elena Ragonton. //idcd-pgo-sotto/photobyOPAg//