Rice Convergence Approach ng Kapitolyo, ipinagpasalamat ng mga magsasaka; 5 makabagong harvester, ipinamahagi

“Ramdam gyud namo ang programa sa kapitolyo para sa rice farmers,” ito ang simple ngunit makahulugang mensaheng binitiwan ni Budasan Irrigators Association President Joel Abinsay matapos itong makapanayam sa isinagawang “Launching of the Cotabato Rice Revolution Program (CRRP)-Diversified Scheme” at pamamahagi ng limang units ng combine harvester na nagkakahalaga ng P9.4M ngayong araw, Marso 21, 2025 na ginanap sa harapan ng Governor’s Cottage, Amas, Kidapawan City.

Ayon sa kanya, malaki ang ginhawa ng inisyatibong Rice Revolution Program (RRP) “Convergence Approach” na ipinapatupad ni Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA para maibsan ang problema sa kakulangan ng farm inputs na nagdudulot ng mababang produksyon, ani at kita para sa mga magsasaka.

Sa estratehiyang CRRP-diversified scheme magmumula sa probinsya at Department of Agriculture ang  apat na sakong (4) pataba samantalang ang karagdagang  dalawang sako (2) ay magmumula sa rice farmer upang matugunan ang kinakailangang fertilizer para sa kanilang isang ektaryang sakahan.

Sa kabilang banda, hindi naman maikubli ni United Christian Farmers of M’lang Association (UCFMA) President Glenn B. Evangelio ang kasiyahan matapos tanggapin ngayong araw ang combine harvester mula sa Department of Agriculture Philippine Center for Post Harvest Facility na magkasabay na itinurnover ni Gov. Mendoza at DA XII Regional Executive Director Roberto T. Perales.

Ang limang harvester ay mapapakinabangan din ng LIBRIS Palonguguen Irrigators Association at Poblacion 4 Farmers Association na pawang mula sa bayan ng Midsayap; Nagasat A. Manalon Irrigators Association Inc. ng Kabacan; at United Christian Farmers of M’lang  Association.

Nagpaabot naman ng labis na pasasalamat ang gobernadora kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr., DA Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr.  at sa tanggapan ng DA XII sa tulong na ipinagkaloob para sa magsasaka ng lalawigan.//idcd-pgo-sotto/photobyWMSamillano&JGuya//

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *