Pagtaas ng heat index sa lalawigan, tututukan ng kapitolyo at partner agencies

Amas, Kidapawan City | Marso 21, 2025 – Tinututukan ngayon ng pamahalaang panlalawigan sa direktiba ni Cotabato Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA at mga kaagapay na ahensya ang mga posibleng hakbangin kung sakaling magpapatuloy ang pagtaas ng heat index sa lalawigan. 

Sa presentasyon ni Engr. Jaymar L. Artigas ng DOST- Mindanao Philippine Atmospheric, Geophysical, and Astronomical Services Administration (PAGASA) Regional Services Division, nakapagtala ng bahagyang pagtaas sa heat index nitong mga nakaraang araw ang probinsya  batay sa isinagawang “Pre-Disaster Risk Assessment (PDRA)” nitong Marso 19, 2025. Ito ay maaaring makaapekto sa pamumuhay at kalusugan ng mga Cotabateño maging sa mga alagang hayop nito. 

Ang heat index ay ang init na nararamdaman ng katawan ng tao na nakabase hindi lamang sa temperatura ng hangin kundi pati na rin sa alinsangan o “relative humidity” ng kapaligiran. 

Dagdag pa ni Acting PDRRM Officer Abril M. Espadera na siyang nangasiwa ng aktibidad, na bahagi ito ng “proactive measure” ng pamunuan ni Gov. Mendoza upang mabigyan ng kamalayan at gabay ang publiko sa mga maaaring maidulot nito. 

Nagbigay rin ng paalala sina Integrated Provincial Health Officer Dr. Eva C. Rabaya at Office of the Provincial Veterinarian Officer-in-Charge Rosemarie B. Guzman hinggil sa mga maaaring gawin upang maiwasan ang heat-related diseases sa mga tao at hayop tulad ng heat stroke, heat exhaustion at dehydration. 

Samantala, iprinisenta naman nina Gerardo L. Manalo, Jr. ng Department of Education- Kidapawan City at Engr. Milagros L. Talandron ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang mga hakbangin nito upang matiyak na ligtas at hindi maaabala ang pag-aaral ng mga estudyante at pagtatrabaho ng nga manggagawa dahil sa naturang suliranin. 

Maliban dito, nagsagawa din ng workshop ang mga partisipante kung saan nakabuo ito ng mga plano at aktibidad na ipapatupad upang matugunan ang maaaring epekto nito. 

Ang nasabing aktibidad ay ginanap sa Provincial Capitol Rooftop, Amas, Kidapawan City kung saan naroon ang City/Municipal DRRMs, kinatawan ng Bureau of Fire Protection (BFP) at iba pang bisita.//idcd-pgo-mombay//

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *