Provincial State of the Children Report ni Gov. Mendoza, sentro ang mga nagawang hakbang sa pagpapabuti ng kalagayan ng mga kabataang Cotabateño

Amas, Kidapawan City | Disyembre 16, 2024 – “Isa sa mga pangunahing layunin ng ating administrasyon na tiyaking ligtas, masaya at puno ng pag-asa ang bawat batang Cotabateño tungo sa kanilang kinabukasan.”

Ito ang naging pambungad na mensahe ni Cotabato Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA matapos nitong ilahad ngayong araw ng Lunes, Disyembre 16, 2024 ang Provincial State of Children Report na idinaos kasabay ng Children’s Month Culmination sa ilalim ng temang “Break the Prevalence, End the Violence: Protecting Children, Creating a Safe Philippines”.

Sentro ng talumpati ni Gov. Mendoza ang mga pagsisikap at mga programang nagawa at patuloy na ginagawa ng pamahalaang panlalawigan katuwang ang mga magulang, non-government organizations, civil society organizations at Sangguniang Kabataan upang matugunan ang mga prayoridad na pangangailangan ng mga bata sa lalawigan kabilang na ang pagbibigay proteksyon sa karapatan ng mga ito laban sa anumang uri ng pang-aabuso at makamit ang mas ligtas at maayos na komunidad.

Kabilang dito ang mga hakbang upang malabanan ang malnutrisyon, pagbibigay ng suporta sa Child Development Workers (CDWs) na katuwang ng pamahalaan sa pangangalaga sa mga kabataan, pagtatatag ng Home for Women and Children of Cotabato Province (HWCCP), paghikayat sa partisipasyon ng mga ito sa mga programang pangkabataan ng kapitolyo tulad ng Summer Kids Peace Camp at Cotabato Young Peacebuilders Camp.

Bilang pinakamataas na opisyal ng lalawigan at isa ring ina, hangad ng butihing gobernadora ang makakabuti sa mga kabataan lalo na sa usapin ng edukasyon. Aniya, “Maningkamot mo mag-eskwela para pag makahuman, mapalipay ug matabangan ninyo ang inyong mga ginikanan.”

Dagdag pa nito na kinakailangang maging mapagpasalamat sa mga biyayang natatanggap lalo na ang pagkakaroon ng kumpleto, masaya, at sumusuportang pamilya, “Be grateful that you are alive, that your parents are with you. Respect and love them because there are children who lost everything. Do not take life for granted.” Tiniyak din ni Gov. Mendoza na ang kapitolyo ay laging bukas para sa lahat na nais dumulog rito kabilang na ang dumaranas ng iba’t ibang suliranin sa kanilang mga sarili, pamilya, pag-aaral, at iba pa.

Maliban sa kanyang talumpati, pinangunahan din ni Gov. Mendoza ang pagbibigay ng plake sa local government units (LGUs) na itinanghal bilang functional city/municipal council for the protection of children sa probinsya. Naroon din sina Cotabato Police Provincial Director PCOL Gilberto Tuzon, Boardmembers Ivy Martia Lei Dalumpines-Ballitoc at Sittie Eljorie Antao-Ballisi, Tulunan Municipal Mayor Reuel Limbungan, mga kinatawan mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) at Department of Education (DepEd) at department heads ng provincial government. Ito ay ginanap sa Provincial Gymnasium, Amas, Kidapawan City at pinangasiwaan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa ilalim ng pamamahala ni PSWD Officer Arleen A. Timson kasama si Program Coordinator Maureen Jan H. Lasanas.//idcd-pgo-mombay/PhotobyWMSamillano&CSMombay//