Amas, Kidapawan City | Disyembre 10, 2024 – Pangunahing layunin ni Gov LALA TALIÑO-MENDOZA na mabigyan ng maunlad, matiwasay, at mapayapang buhay ang bawat Cotabateño kaya ganon na lamang ang suporta nito sa Bangsamoro Community sa lalawigan at maging sa mga kababayang naninirahan sa mga lugar na dating bahagi ng Cotabato at ngayon ay sakop na ng Special Geographic Area ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (SGA-BARMM).
Kaugnay nito, nagpaabot ang pamahalaang nasyonal ng tulong pinansyal sa ilalim ng “MNLF (Moro National Liberation Front) Transformation Program” ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa may 183 former MNLF rebels na nagbalik loob sa pamahalaan. Bilang bahagi ng kanilang reporma, sila ay isinailalim sa iba’t ibang aktibidad at programa kabilang na ang “cash for work” kung saan kabuoang P1,911,627.00 ang halagang naipagkaloob sa mga benepisyaryo para sa kanilang community service. Ang payout activity ay isinagawa ngayong Martes, Disyembre 10, 2024 sa Brgy. Kayaga, Kabacan, Cotabato.
Ito ay bahagi ng Peace and Development Buong Bansa Mapayapa Regional Project Monitoring Office (PD-BBM-RPMO) Normalization Program ng DSWD na inilunsad ng liderato ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. (PBBM) kaagapay si DSWD Secretary Rex Gatchalian, at katuwang din si Field Office 12 Regional Director Loreto V. Cabaya, Jr.
Kasabay ng kanyang mensahe ng pasasalamat sa mga naging kabalikat ng kapitolyo sa pagtaguyod ng mga programa at proyekto nito para sa mga Cotabateño, ay ang pagtiyak naman ni Gov. Mendoza sa patuloy na pagtulong at pagsuporta nito sa 63 barangays ng SGA-BARMM.
Dumalo naman si mismong Assistant Secretary Arnel B. Garcia, 602nd Deputy Brigade Commander Col. Neil Alfonso R. Roldan, Liga ng Mga Barangay Kabacan President Herlo Guzman, Sr., Kayaga Punong Barangay Abdulazis L. Makalipat, kasama ang iba pang lokal na opisyales, at mga panauhin mula sa DSWD.//pgo-idcd-gonzales/photoby:WSamillano/