Tagumpay ng mga 4Ps beneficiaries ng lalawigan, binigyang pagkilala sa 2nd Provincial Pugay Tagumpay Ceremony

Amas, Kidapawan City | Disyembre 7, 2024 – Sari-saring emosyon ang naramdaman ng 900 na benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) dahil sa loob ng maraming taon, nagbunga na rin ang kanilang pagsisikap dahil sa maayos na pamamahala ng tulong-pinansyal na kanilang natatanggap mula sa naturang programa ng pamahalaang nasyonal.

Ito ay matapos na isagawa nitong Biyernes, Disyembre 6, 2024 ang ikalawang “Provincial Pugay Tagumpay” sa 3rd Flr. Agri-center Building, Capitol Compound, Amas, Kidapawan City na isang patunay ng kanilang pagpupursige na makamit ang maginhawa at panatag na pamumuhay. Naging daan din ang 4Ps program na magkatuwang na itinataguyod ng pamunuan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at Department of Social Welfare and Development (DSWD) na matugunan ang pangangailangan ng higit na nangangailangang  pamilya  lalo na sa aspeto ng edukasyon, kalusugan, nutrisyon at iba pa.

Hindi naman maikubli nina boardmembers Joemar S. Cerebo at Ivy Martia Lei Dalumpines-Ballitoc, na naging mga kinatawan ni Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA, ang kanilang kagalakan at pagsaludo dahil sa natamong “self-sufficiency level” ng mga benepisyaryo. Umaasa din ang mga opisyal na maibabahagi ng mga ito ang natamong tagumpay at manatiling ehemplo upang mahikayat ang iba pang mamamayan na patuloy na magsikap para sa ikauunlad ng estado ng pamumuhay ng kanilang mga mahal sa buhay.

Pinasalamatan din nina BM Cerebo at Dalumpines-Ballitoc ang pamunuan ni Pangulong Marcos, Jr., at mga tanggapan nina DSWD Secretary Rex Gatchalian at Regional Director Loreto V. Cabaya, Jr. dahil sa walang sawang pagpapaabot ng mga ito ng tulong sa mga Cotabateño na naisasakatuparan dahil na rin sa mahigpit na pakikipag-ugnayan ni Gov. Mendoza.

Maliban sa mga nabanggit, dumalo rin upang magpaabot ng pagbati sina DSWD XII Regional Director for Administration Emerita Q. Dizon, DSWD XII Regional Executive Assistant Evelyn B. Pinongcos, Department of Labor and Employment (DOLE) Provincial Director Ernesto H. Coloso, Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Provincial Director Relly A. Leysa, Provincial Advisory Council Member Vilma R. Gonzales, Antipas Municipal Mayor Cristobal Cadungon, Provincial SWDO Arleen A. Timson at DSWD Provincial Link Emy D. Mayordomo. Sinaksihan din ito ng mga Land Bank of the Philippines Branch Managers, provincial department heads at iba pang mga kinatawan mula sa mga lokal na pamahalaan at DSWD XII.//idcd-pgo-mombay//