2,906 farmers sa lalawigan burado na ang utang sa lupang sinasaka, land titles at condonation ibinigay ni Pangulong Marcos

Amas, Kidapawan City| Disyembre 5, 2024 – Isang maagang pamasko mula mismo kay Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. ang natanggap ng 2,906 na mga magsasaka mula sa lalawigan ng Cotabato matapos ipagkaloob ng pangulo ang land titles and certificate of condonation with release of mortgages (CoCRom) sa ginawang distribusyon nito para sa Rehiyon XII na ginanap sa Alabel, Saranggani Province ngayong araw.

Ang pagbibigay ng nabanggit na pinaka-inaasam na dokumento mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) sa Agrarian Reform Beneficiaries (ARBs) na mga Cotabateño ay nangangahulugang burado na ang P159,129,784.00 na pagkakautang ng mga ito na matagal na ring pinagtitiisang bayaran. Ito ay alinsunod sa Republic Act 11953 o ang New Agrarian Emancipation Act (NAEA) na nilagdaan ng pangulo noong Hulyo 7, 2023 “condoning all loans, including interests, penalties, and surcharges incurred by ARBs from land awarded to them under Presidential Decree 27, RA 6657, and RA 9700.”

Para sa buong rehiyon dose, abot sa 13,527 CocRoMs ang naipamahagi ng pangulo na kinabibilangan ng mga probinsya ng Saranggani, Sultan Kudarat, South Cotabato at Cotabato na mapapakinabangan ng 11,699 ARBs. Nagkakahalaga naman ng P939M na pagkakautang ang hindi na kailangang bayaran ng nabanggit na mga benepisyaryo.

Sa mensahe ng pangulo muli nitong pinasalamatan ang mga magsasakang Pilipino sa sipag at tiyaga nitong magkaroon ng pagkain ang hapag ng bawat pamilya sa bansa.

“Kung hindi dahil sa inyong sipag at dedikasyon, hindi po magkakaroon ng sapat at masustansiyang pagkain ang mga kababayan natin,” wika ng pangulo.

Binigyang diin din nito na mahalaga sa kanyang administrasyon ang sektor ng agrikultura kaya naman pinagsisikapan nito ang pagkakaroon ng reporma sa lupa para matulungan ang mga magsasaka sa Pilipinas na mapunta sa kanila ang lupang sinasaka.

Bilang pinakamataas na lider ng lalawigan, nakiisa rin sa ginanap na programa si Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA na nagpaabot ng taos-pusong pasasalamat kay Pangulong Marcos at sa DAR sa biyayang maituturing nitong hulog ng langit para sa farmer beneficiaries ng Cotabato Province.//idcd-pgo-sotto/PhotobyWMSamillano//