Walong pampublikong pagamutan na pinapatakbo ng lalawigan nakapagtala ng P340.7M income mula Enero hanggang Nobyembre 2024

Amas, Kidapawan City| Nobyembre 27, 2024- Dahil sa maayos at episyenteng pamamahala at mahigpit na monitoring ng hospital claims, nakapagtala ngayon ang walong pambulikong pagamutan na pinapatakbo sa ilalim ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato, ng P340,707,968.00 total income na mas mataas sa inilaang Annual Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) Appropriation nito para sa taong kasalukuyan na may alokasyong nagkakahalaga ng P315, 051,124.25.

Batay sa datos na isinumite ng tanggapan ni Integrated Provincial Health Office Head Dr. Eva C. Rabaya sa opisina ni Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA, mas mataas ng halos 25.26% ang percentage income ng mga ospital matapos nitong malampasan ang total income estimates o target nito na P255,000,000.00 at makapagtala ng  P319,408,010.00 total income na nakolekta mula sa PHIC, Non-Philhealth, Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP), AMBAG, PBSP/TB DOTS, PCSO at PGO Grant o Tulay Kapayapaan Grants.

Kabilang sa mga ospital na pinamamahalaan ng probinsya ay ang Cotabato Provincial Hospital (CPH), M’lang District Hospital (MDH), Aleosan District Hospital (ADH), Dr. Amado B. Diaz Provincial Foundation Hospital (ADPFH), Arakan Valley District Hospital (AVDH), Fr. Tulio Favali Municipal Hospital (FTFMH), Alamada Provincial Community Hospital (APCH), at President Roxas Community Hospital (PPPCH).

Pinuri naman ni Gov. Mendoza ang Fr. Tulio Favali Municipal Hospital (FTFMH) sa pangunguna ni Acting Chief of Hospital Dr. Sherlito M. Pineda matapos makapagtala ng 340.01% increase mula sa Total Income Estimates nito na P3,566,866 at kumita ng higit sa P15,694,393.00.

Samantala, nakakuha naman ng professional fee mula sa Philhealth ang walong mga pagamutan na nagkakahalaga ng P136,598,290.00 na siyang nagsilbing dagdag insentibo o “potting” ng medical and paramedical staff.

Sa kanyang pakikipag-usap kay Dr. Rabaya, personal na ipinaabot ng gobernadora ang kanyang pasasalamat sa pagsisikap ng mga nabanggit na ospital lalo na sa pangongolekta ng bayarin sa Philheath at iba pang programa ng gobyerno. Muli din nitong ipinaalala ang layunin ng pamahalang panlalawigan na gawing accessible para sa mga Cotabeteño ang serbisyong pangkalusugan sa pamamagitan ng pagpapabuti ng mga pasilidad at pagsisikap na mailapit ang serbisyo sa mga malalayong barangay.//idcd-pgo- sotto//

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *