Amas, Kidapawan City | Oktubre 31, 2024 – Matagumpay na naisagawa nitong Oktubre 8 at 22, 2024 ang Regional Varietal Trial on Corn for Wet Season sa Brgy. Sangat, Mlang at Brgy. Malinao, Banisilan na napiling lowland at highland pilot areas ng Department of Agriculture (DA) kung saan iba’t ibang uri ng corn seeds mula sa labing-apat na seed companies ang itinanim upang matukoy kung anong binhi ang nababagay sa kanilang sakahan na siya namang magiging basehan ng pamahalaan para sa ibibigay na interbensyon sa mga magsasaka ng mais.
Batay sa resulta ng varietal trial sa lowland area ng Brgy. Sangat, Mlang sa ilalim ng GM category, nanguna ang P3582 PW corn variety ng Corteva Agriscience na may average yield na 11.69 t/ha. Sinundan naman ito ng DK88995 ng Bayer Crop Science (10.52 t/ha) at H102G ng Bioseed (9.25 t/ha).
Para sa Conventional Yellow Hybrid category naman sa kaparehong bayan, ang USM Var 35 ng Promland ang naitalang may pinakamataas na ani na may 7.27 t/ha average yield, at sinundan ng KK168 ng Vigour Seeds (7.18 t/ha) at Filipina 753 ng Southside Agri-trading (6.73 t/ha).
Mas mataas din ang naging ani ng Ghen 802 variety ng Southside Agri-Trading para sa kategorya ng Conventional White Hybrid na may average yield na 7.08 t/ha kumpara sa Farco 88 ng Farco MPC na nakakuha ng 4.53 t/ha average yield.
Para naman sa Brgy. Malinao, Banisilan na napiling highland pilot area, nanguna ang NK6505 ng Syngenta Philippines, Inc. sa ilalim ng GM category na nakakuha ng average yield na 8.77 t/ha. Kasunod nito ang DK8131S ng Bayer Crop Science (8.67 t/ha) at AH Supreme 5150 ng Asian Hybrid (8.55 t/ha).
Ito ay dinaluhan nina DA-Agricultural Project Coordination Officer Rey Dominngo, Provincial Advisory Council Member Albert Rivera, kinatawan mula sa lokal na pamahalaan ng mga bayan at iba pang bisita.
Ang naturang aktibidad ay magkatuwang na pinangasiwaan ng Department of Agriculture XII sa pangunguna ni Regional Executive Director Roberto T. Perales at ng pamunuan ni Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA na pawang suportado at isinusulong din ang hangarin ng liderato ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. at ng tanggapan ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr. na matulungan ang mga magsasaka ng bansa sa pamamagitan ng mga programang akma sa pangangailangan ng mga ito upang matiyak ang kaunlaran ng kanilang sektor.//idcd-pgo-mombay/PhotobyOPAg//