Kapitolyo, nagsagawa ng oryentasyon sa RA 12001 upang palakasin ang real property valuation sa lalawigan

Nagsagawa ang pamahalaang panlalawigan ng malawakang oryentasyon para sa mga itinalagang appraisers sa lalawigan hinggil sa RA 12001 o Real Property Valuation and Assessment Reform Act (RPVARA) na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. nito lamang Hunyo 13, 2024.

Layunin nito na mabigyan ng napapanahong impormasyon ang mga piling kawani ng mga Assessor’s Office sa iba’t ibang Local Government Unit (LGU) ng lalawigan, partikular ang bagong sistema ng pagsusuri at pagtatasa ng halaga ng mga real properties sa buong bansa na ang pangunahing batayan ay ang “Schedule of Market Values” (SMVs), na magpapadali at magiging mas patas ang proseso ng pagtantya ng halaga ng mga ari-arian.

Ito ay naayon sa adhikain ng pamunuan ni Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA na mas mapabuti pa ang katayuang pinansiyal ng lalawigan sa pamamagitan ng maayos na pamamahala nito kabilang ang epektibong pangongolekta ng buwis na magdadala ng karagdagang “local revenues” na pakikinabangan ng probinsya.

Ang aktibidad ay pinangasiwaan ng Provincial Assessor’s Office (PASSO) sa pamumuno ni Ricarlo P. Adeja, katuwang ang Philippine Association of Municipal Assessors (PAMAS) Inc. sa ilalim ng liderato ng presidente nito na si Mr. Elino A. Vergara, Jr. Ito ay idinaos nitong Oktubre 24-25, 2024 sa Sitio Maupot Family Resort, Magpet, Cotabato.//idcd-pgo j.abellana/photo by PASSO/.