Bagong renal dialysis clinic at intensive care unit ng CPH, magsisimula nang magbigay serbisyo sa publiko

Amas, Kidapawan City|Oktubre 25, 2024- Magsisimula na sa pagbibigay ng serbisyo sa mamamayan ng lalawigan ng Cotabato ang bagong renal dialysis clinic with 9 stations at 6-bed capacity na intensive care unit (ICU) sa Cotabato Provincial Hospital (CPH).

Batay sa sulat na pinadala ni Provincial Health Officer Dr. Eva C. Rabaya, sa tanggapan ni Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA malugod nitong ibinalita na nabigyan na ng license to operate ng Department of Health ang dalawang nabanggit na pasilidad at pormal nang mag-uumpisa ang operasyon nito sa Lunes, Oktubre 28, 2024.

Sa pagbisita ng ina ng lalawigan ngayong hapon sa dialysis clinic at ICU ng pagamutan muli nitong pinaalalahanan ang mga medical frontliners at kawani nito na mas lalo pang pag-ibayuhin ang pagbibigay ng serbisyong medikal.

Masaya rin ito dahil sa wakas ay nagbunga rin ang pagsisikap ng kapitolyo na matulungan ang mga indibidwal na dumaranas renal disease at iba pang karamdamang nangangailangan ng intensive medical care.//idcd-pgo-sotto/PhotobyWMSamillano//