Amas, Kidapawan City | Oktubre 22, 2024 – Nagsagawa ng limang araw na pagsasanay ang pamahalaang panlalawigan na pinamumunuan ni Governor LALA TALIÑO-MENDOZA nitong Oktubre 14-18, 2024 para sa mga miyembro ng Cotabato Province Emergency Response Team (CPERT) at mga kawani ng Philippine National Police (PNP) at Bureau of Jail Management and Penology (BJMP).
Ito ay ginanap sa London Beach Resort, General Santos City sa pangangasiwa ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) na pinamamahalaan ni Engr. Arnulfo Villaruz kung saan sentro ng talakayan ang pagpapaunlad ng kapasidad at pagbibigay ng napapanahong kaalaman sa mga partisipante hinggil sa standard first aid at basic life support na mahalaga sa panahon ng kalamidad at iba pang medical emergencies.
Kabilang sa mga paksa rito ay ang emergency action principles; medical, trauma and environmental emergencies; bandaging; splinting; emergency transfer, lift and carries; cardio-pulmonary resuscitation (CPR); automated external defibrillator (AED); at foreign body airway obstruction (FBAO). Sumailalim din sa “bombing incident simulation exercise” ang mga nabanggit upang matasa ang kanilang kakayahan sa naturang sitwasyon.
Labis namang pinasalamatan ni CPERT President Rudy N. Dandan ang pamunuan ni Gov. Mendoza dahil sa mahigpit na suporta nito sa naturang training na nagpapaunlad ng kakayahan ng mga partisipante lalo na sa pagresponde sa anumang uri ng insidente at upang malaman ang bagong updates ng Department of Health (DOH) sa first aid at basic life support.
Nagsilbing resource person ng aktibidad sina Rachel Ann C. Montes mula sa CDRRMO Samal, Rodel C. Cabatania mula sa Cotabato Provincial Hospital at Rolando Molde ng Davao City 911.//idcd-pgo-mombay/PhotobyPDRRMO & APatalino//