Higit P7M na  tulong-pinansyal sinimulan nang ipagkaloob ng “DSWD Enhanced Support Services Intervention” sa ilang katutubo ng probinsya 

Amas, Kidapawan City I Oktubre 18, 2024 – Lubos na ikinagalak ng pamunuan ni Cotabato Governor LALA TALIÑO-MENDOZA ang biyayang tinanggap ng ilang katutubo ng lalawigan matapos na personal na pinangunahan ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Field Office 12 Regional Director Loreto V. Cabaya, Jr. ang “synchronize pay-out activity” ngayong Biyernes.

Naglaan ng higit P7M ang liderato ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr. upang isakatuparan ang layunin ng programang “ESSI o Enhanced Support Services Intervention” na itinataguyod ng tanggapan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian, na siyang  ibabahagi naman ng tig-P13,636 bilang “capital assistance grant” sa 546 na benepisyaryo na nagmula sa Indigenous People (IP) Community at kasalukuyang kabilang sa 4Ps o Pantawid Pamilyang Pilipino Program beneficiaries.

Kaugnay nito, tinanggap na ng 185 na benepisyaryo mula sa mga sumusunod na bayan at lungsod ng ikalawang distrito: Kidapawan City (34), Makilala (29), Magpet (30), Pres. Roxas (31), Antipas (16), at Arakan (45) ang mga nasabing halaga na magsisilbing karagdagang tulong o interbensyon ng pamahalaan upang mapalago ang kanilang kabuhayan sa mga larangan tulad ng goat-raising, sari-sari store, rice retailing, at marami pang iba.  Ang distribusyon ay isinagawa sa Capitol Rooftop, Amas, Kidapawan City. 

Dito, naging puno ng inspirasyon ang ibinahaging mensahe ni RD Cabaya sa mga benepisyaryo, kung saan ipinabatid nito ang kahandaan ng gobyerno na matulungan ang mamamayan, ngunit kinakailangan din ang patuloy na pagsusumikap ng bawat-isa, “tabangan pud ninyo  ang inyong kaugalingon, para mouswag ang inyong pamilya,” ani pa nito. Samantala, nagpaalala rin ito na ingatan ang oportunidad na ibinibigay ng gobyerno at gamitin ng maayos ang mga tulong nito.

Nasa naturang kaganapan si IPMR/Ex-officio Boardmember Arsenio Ampalid bilang kinatawan ni Gov. Mendoza kasama sina Provincial Social Welfare Department Head Arleen A. Timson, ESSI Focal Person-Region 12 Jadidah Rasuman Alangca, Provincial Link  Emy Mayordomo at ang mga DSWD municipal links. Naroon din sina Kidapawan City Councilors Rosheil Gantuangco-Zoreta, Aying Pagal at Dina Espina-Chua. 

Sa kabilang banda, ginaganap rin ang kaparehong aktibidad ngayong araw sa  bayan ng Misayap para sa 183 beneficiaries ng distrito uno at sa Kabacan naman para sa 178 beneficiaries ng distrito tres. //idcd-pgo-frigillana/photoby:CSMombay

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *