Lalawigan ng Cotabato, nakiisa sa Guinness World Records attempt na sabayang pagtatanim ng kawayan 

Amas, Kidapawan City| Oktubre 18, 2024- Sa loob lamang ng ilang minuto sabayang itinanim ng 300 na mga indibidwal mula sa iba’t ibang munisipyo ng lalawigan, mga kawani mula sa mga ahensya ng pamahalaan, non-government organizations at iba pang stakeholders ang  300 giant bamboo saplings bilang pakikiisa sa Guinness World Records attempt ng Mindanao for “Most People Planting Bamboo Simultaneously”.

Napili bilang isa sa mga 20 locations ng nabanggit na Guinness attempt sa Mindanao ang bayan ng Carmen, Cotabato kung saan pinangunahan ng Department of Science and Technology (DOST) XII katuwang ang Kilambay Plantation, pamahalaang panlalawigan ng Cotabato, 2nd and 3rd Legislative Districts, LGU Carmen, TUCP Partylist at iba pa ang sabayang pagtatanim ng kawayan sa tatlong ektaryang lupain na pag-aari ng Diocese of Kidapawan.

Ang aktibidad ay bahagi ng Kawayanihan Circular Economy Movement na naglalayong itaguyod ang isang circular economy at resilient and sustainable community na isa ngayon sa mga tinututukan ng pamahalaan dahil na rin sa malalang epekto ng climate change. 

Sa kanyang naging mensahe binigyang diin ni DOST XII Regional Director Sammy P. Malawan, na ang naturang pagtitipon ay isang patunay ng nag-iisang hangarin ng SOCCSKSARGEN Region sa pagsusulong ng isang kaunlarang sustenable na magbibigay ng isang maginhawa at panatag na buhay sa lahat. 

Naging makahulugan naman ang mensaheng ipinaabot ng ama ng bayan ng Carmen na si Mayor Rogelio Taliño na siyang naging host municipality sa naturang aktibidad, matapos nitong ipaalala sa mga dumalong indibidwal, ahensya at opisyales ang kahalagahan ng pangangalaga sa kalikasan. Ayon sa kanya ang mapabilang sa guinness world of record ay napakalaking karangalan, ngunit mas malaki ang maibibigay na benepisyo para sa lahat lalo na sa komunidad kung sa simpleng paraan ay makakatulong ang bawat isa sa pagpapanumbalik ng ganda at sigla ng kalikasan sa pamamagitan ng pagtatanim.  

Inihayag naman ni Kilambay Plantation Corporation Chairman Luis Ramon Lorenzo ang kanyang kasiyahan na maging bahagi ng “Kawanihan Circular Economy Movement” at nagagalak dahil sa aktibong partisipasyon ng lalawigan dito na ayon sa kanya ay hindi lang makakatulong sa paglago ng ekonomiya kundi sa pangangalaga sa natatangi at likas nitong yaman.

Naging kinatawan naman ni Gov. LALA TALIÑO-MENDOZA si Provincial Advisory Council Member at Former DA Regional Director Amalia J. Datukan na nagpahayag ng kanyang suporta sa malaking tulong ng kawayan lalo na sa pagpigil sa masamang epekto ng pagbabago ng klima.

Samantala, nagpahayag din ng kanyang kagalakan si 3rd District Representative Ma. Alana Samantha T. Santos sa inisyatibong ito na para sa kanya ay tugon sa nararanasang pagbaha at iba pang kalamidad sa bansa. 

Nakiisa rin sa nabanggit na sabayang pagtatanim si DOST Undersecretary Teodoro Gatchalian, Kilambay Plantation Corporation Chief Operating Officer Rochelle Marie Taliño Taray, mga provincial boardmembers, municipal mayors,  regional directors and representative mula sa iba’t ibang national line agencies, Diocese of Kidapawan priests, at iba pang mga stakeholders.//idcd-pgo-sotto/PhotobyWMSamillano//

Leave a comment

Your email address will not be published. Required fields are marked *