Amas, Kidapawan City| Mayo 15, 2024- Bilang suporta sa SOCCSKSARGEN Regional Development Plan (SOX RDP) 2023-2028, pinangunahan ngayong araw ni Regional Development Council (RDC) XII Chair at Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliรฑo-Mendoza ang SOXRDP Cotabato Roadshow na ginanap sa University of Southern Mindanao (USM) Auditorium, Kabacan, Cotabato.
Sa naturang roadshow na dinaluhan ng mga opisyales at miyembro ng RDC XII, mga alkalde mula sa iba’t ibang bayan sa probinsya, mga guro at estudyante ng USM ipirinisenta ng RDC ang anim na taong development direction ng rehiyon na nakaangkla sa 8-point socio-economic agenda ni Pangulong Ferdinand R. Marcos, Jr.
Ang aktibidad ay naging daan din upang maipaintindi sa mga stakeholders at dumalong mga bisita ang layunin ng RDP lalo na sa pagkamit ng isang matatag, maginhawa at panatag na buhay sa bawat pamilyang Pilipino sa taong 2040.
Sa kanyang naging mensahe, binigyang diin ni Governor Mendoza na ang naturang plano ang magiging gabay ng mga local government units, ahensya ng pamahalaan, non-government organizations, at iba pang stakeholders sa paglalatag ng mga programa at proyekto.
Hinikayat din ni Mendoza ang mga ito na maging aktibong kabahagi sa tagumpay ng implementasyon ng regional development plan para sa ikauunlad ng SOCCSKSARGEN Region at ng buong bansa.
Samantala, ipinaabot naman ni National Economic Development Authority (NEDA) XII Regional Director at RDC Vice Chair Phlorita A. Ridao ang kanyang taos pusong pasasalamat sa gobernadora sa suportang ibinibigay nito sa NEDA.
Nakiisa rin sa nabanggit na roadshow ang mga representante mula sa private, academe, at youth sectors at mga kawani mula sa NEDA XII.//idcd-pgo-sotto/PhotobyWMSamillano//