Amas, Kidapawan City – Sa pagharap sa hamon ng modernisasyon at pangangailangang mapabilis ang paglitis ng mga kaso, ang Korte Suprema ng Pilipinas ay sumabay sa makabago at modernong teknolohiya, at isinagawa sa lalawigan ng Cotabato ang pilot testing at kauna-unahang videoconferencing sa Enhanced Justice on Wheels (EJOW) bus sa buong bansa.
Layunin ng hakbang na ito na mapabilis ang paghatid ng hustisya sa mga kinauukulan, at matulungan ang mga underserved at underprivileged na makuha ang patas na hustisyang hinahangad.
Ito din ay nagbigay-daan upang maisagawa ang mga sesyon at pagresolba ng mga kaso kahit nasa liblib at malalayong lugar ang mga sangkot. Isinusulong din nito ang mas mabilis na pagtugon at pagdesisyon sa mga kaso.
Nitong Nobyembre 30, 2023, ang EJOW videoconferencing ay isinagawa sa Barangay Basak, Magpet, Cotabato kung saan ang mga witness ay isinalang sa court proceedings sa loob mismo ng nakaparadang EJOW bus, habang nasa RTC 17 – Kidapawan City naman ang mga suspek ng isinalang na kaso.
Sa sistemang videoconferencing, mismong korte na ang lalapit sa mga biktima at witnesses na nasa malalayong lugar upang maipagpatuloy ang pagproseso ng paglilitis.
Ayon pa sa Korte Suprema, pinag-aaralan nila nang maayos ang mga guidelines at protocols kaugnay nito upang matiyak ang tamang implementasyon ng videoconferencing sa kanilang mga gawain tungo sa pagpapabuti ng kanilang serbisyo sa publiko.
Sa darating na mga buwan, inaasahan na masusubaybayan ang epekto ng videoconferencing sa sistema ng katarungan sa bansa, at mas maisaayos ang pamamaraan kung paano maa-adapt ang nagbabagong kalakaran ng teknolohiya.
Dumalo sa naturang pilot testing sina Supreme Court of the Philippines – Associate Justice Amy C. Lazaro-Javier, Deputy Court Administrator for Mindanao Hon. Leo T. Madrazo, Executive Judge – RTC Kidapawan City / EJOW over-all Chairperson Hon. Arvin Sadiri B. Balagot, RTC Midsayap Executive Judge Rainera P. Osua, Magpet Municipal Trial Court (MTC) – Presiding Judge Garry Mark N. Ferolin, Magpet Municipal Mayor Jay Laurence S. Gonzaga, Provincial Advisory Council (PAC) Member Retired Judge Lily Lydia A. Laquindanum, Provincial Legal Officer Atty. John Haye C. Deluvio, Jessie Enid, mga miyembro ng Philippine National Police (PNP), Armed Forces of the Philippines (AFP), Bureau of Fire Protection (BFP), Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), local officials at mga kawani ng Provincial Legal Office (PLO). //idcd-pgo-delacruz//