Amas, Kidapawan City |Nobyembre 7, 2023 – Sa patuloy na pagsulong ng karapatan ng mga kababaihan at kabataan sa lalawigan ng Cotabato, nagsagawa ng oryentasyon ang Gender and Development Focal Point System (GADFPS) at Provincial Governor’s Office- Population, Gender and Development Division (PGO-PopGAD) kaugnay sa Safe Spaces Act at Anti-Early Marriage Act sa mga piling empleyado ng kapitolyo na ginanap sa 3rd floor, Capitol Annex Building, Amas, Kidapawan City.
Layunin ng naturang oryentasyon na mabigyang-diin ang kahalagahan ng dalawang mahahalagang batas na ito. Ang Batas ng “Maliligtas na Espasyo o Safe Spaces Act,” ay nagsimula pa noong 2019 at naglalayong protektahan ang mga kababaihan at LGBTQ+ community mula sa ano mang uri ng pang-aabuso at diskriminasyon sa mga pampublikong lugar.
Sa kabilang dako, ang Batas Laban sa “Maagang Kasal o Anti-Early Marriage Act” ay naglalayon namang protektahan ang mga kabataan mula sa pag-aasawa sa murang edad.
Pinaniniwalaan ng mga tagapagsulong ng karapatan ng kabataan na ang maagang pagpapakasal ay nagdudulot ng masamang epekto sa kabataan, kabilang na ang pang-aabuso, kahirapan, at hindi bukas na oportunidad para sa kanilang kinabukasan.
Suportado ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato sa pamumuno ni Governor Emmylou “Lala” J. Taliรฑo-Mendoza ang hakbang na ito lalong-lalo na kung ang pag-uusapan ay para sa kaayusan, karapatan, kaligtasan at magandang pamumuhay ng kabataan.
Ang programang ito ay dinaluhan ni Atty. Krystine Joy Sitjar-Nietes, mga miyembro ng GADFPS, mga kawani ng PGO-PopGAD, Indigenous People (IP) Affairs, Muslim Affairs at iba pang empleyado ng kapitolyo.
Ang mga nabanggit na partisipante ay hinati sa dalawang batches, kung saan ang unang batch ay ginawa noong Nobyembre 06, 2023 at ang pangalawang batch naman ay idinaos ngayong Martes, Nobyembre 07, 2023. //idcd-pgo-delacruz//Photoby: PopGAD//