Amas, Kidapawan City| Nobyembre 3, 2023- Isang mainit na pagbati ang ipinaabot ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” Taliรฑo-Mendoza sa lahat ng mga bagong halal na opisyal sa katatapos lamang na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).
Ayon sa gobernadora, tapos na ang eleksyon at kaakibat ng pagkakahalal ng bawat napiling kandidato ay isang napakalaking responsibilidad na dapat nitong gampanan.
Binigyang diin nito na panahon na upang tuparin ng mga bagong maglilingkod na opisyal sa barangay at SK ang kanilang mga ipinangako noong nakaraang kampanya na buong puso at kahusayan itong magbibigay ng serbisyo sa kanilang nasasakupan. Para naman sa mga hindi pinalad, umaasa ang gobernadora na makikipagtulungan at magiging katuwang pa rin ang mga ito ng mga nakaupong opisyales ng kanilang barangay.
Tiwala din ang ina ng lalawigan na magiging maganda ang ugnayan sa pagitan ng barangay, lokal na pamahalaan at pamahalaang panlalawigan para sa maayos na pagpapaabot ng programa at proyekto sa mga komunidad.
Samantala, pinasalamatan naman ni Governor Mendoza ang lahat ng law enforcers, indibidwal, grupo, ahensya at iba pang stakeholders na naging parte upang matiwasay na maitaguyod sa probinsya ng Cotabato ang halalan nitong Lunes, Oktubre 30, 2023. //idcd-pgo-sotto//